Likas na sa ating mga tao ang kasamaan, ngunit sa kabila nito, ang bawat isa ay may kabutihan. Ang mundo, puno ng kasamaan at pang-aabuso. Ngunit sa pagkakaroon ng batas, ito ay gumanda at kahit papaano’y naging mapayapa. Nagabayan tayo nito upang mahubog ang kabutihan sa atin. Ngayon, ating aalamin ang kahulugan ng batas. Atin ding aalamin ang mahalagang ginagampanan nito sa buhay ng tao.
Ano ang Kahulugan ng Batas?
Ang batas ay koleksyon ng mga alituntunin na itinakda ng institusyon upang pangasiwaan ang kilos at gawi ng mga tao sa lipunan. Ito ay ginawa upang sundin ng mga mamamayan. Ang batas ang gumagabay sa mga mamamayan sa kung ano ang tama at mali. Nagtatakda rin ito ng kaparusahan sa mga indibidwal na lalabag sa mga alituntunin. Ang pagpapatupad ng mga tuntuning ito ay pinapangunahan ng awtoridad.
Ang mga alituntuning ito ay ginawa upang pakilusin ang mga mamamayan ayon sa kagustuhan ng estado. Ang mga taong gumagawa ng batas ay matatagpuan sa sangay ng lehislatura. Ang sangay na ito ang responsable sa paggawa ng mga alituntuning makakabuti para sa mga mamamayan. Ang nag-aapruba naman nito upang kilalanin ng konstitusyon ay tinatawag na hudikatura. Kapag ang mga alituntunin namang ito ay opisyal na, ipatutupad naman ito ng sangay ng ehekutibo.
Binigyang kahulugan naman ni St. Thomas Aquinas ang batas bilang isang kautusan ng katuwiran na isinasagawa upang makamtan ang kabutihang panlahat.
Dagdag pa, hinuhubog nito ang isang lugar, partikular na ang mga pinaniniwalaan, kasaysayan, politika at ekonomiya nito.
Kahalagahan ng Batas
Ano nga ba ang kahalagahan ng batas? Bakit ito ay mahalaga sa ating lipunan? Halina’t atin itong tuklasin!
Ang batas ay napakahalaga para sa atin. Unang-una na para sa ating sarili. Ang batas ay tumutulong sa atin upang mahubog ang ating pagkatao. Sa pagsunod sa mga regulasyon, nagkakaroon tayo ng disiplina sa ating mga sarili at nalalaman natin ang mga dapat gawin. Nagbibigay din ito ng gabay kung ano ang tama at mali. Samakatuwid, natutulungan nito ang bawat indibidwal na maging mabuting tao.
Mahalaga din ang batas lalo na sa ating lipunan. Ito ay nagdudulot ng pagkakaisa at kapayapaan sa bawat miyembro ng lipunang ating ginagalawan. Isipin mo na lamang ang bansa na walang batas, kung saan malaya ang bawat isa na gawin ang kanilang kagustuhan. Ito ay maaring magdulot ng kaguluhan sapagkat walang mga alituntunin na gagabay sa ating kilos. Maari din itong magresulta sa madugong labanan kung sino lamang ang dapat maghari at mamuhay dito sa mundo, ‘diba nakakatakot? Mabuti na lamang at nagkaroon tayo ng mga batas na pumipigil sa ganitong karahasan.
Pagdating naman sa hustisya, napakalaki ng ginagampanan ng ating batas. Alam mo ba ang linyang “Ang isang tao ay inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala”? Sa gabay ng mga batas na itinakda sa konstitusyon, nagkakaroon tayo ng mga legal na proseso sa paghuhukom. Sa pamamagitan nito, napaparusahan ang mga kriminal at may sala, at napapalaya ang mga taong inosente. Napipigilan din nito ang paglaganap ng kriminalidad. Ang mga kriminal tulad ng mga magnanakaw at mamamatay tao ay nahuhuli at nakukulong.
Humaharang din ang batas laban sa mga taong mapang-abuso. Hindi nito hinahayaang maapi ang mga mahihinang tao ng mga mayayaman at makapangyarihan. Sa mata ng batas, ang lahat ng tao ay pantay-pantay. Walang mahirap o mayaman. Kapag ang isang tao ay inabuso, may karapatan siyang magsalita at makakuha ng katarungan.
Ang batas din ang naggagarantiya na makakatanggap ng benipisyo ang lahat ng mamamayan. Sa tulong nito, ang lahat ng tao ay nagkakaroon ng karapatan sa pagkapantay-pantay. Halimbawa na lamang nito ay ang mga batas na nagtatakda ng mga pinansyal na tulong sa mga mahihirap. Sa pagkakaroon ng mga ganitong uri ng batas, napapaangat nito ang estado ng mga taong kapos-palad.
Ang mga nabanggit na kahalagahan sa itaas ay ilan lamang sa mga rason kung bakit mahalaga ang batas. Marami pa itong kahalagahan na kahit hindi natin alam ay ating natatamasa.