Bawat tao sa mundong ating ginagalawan ay may iba’t ibang pangangailangan at kagustuhan. Ano nga ba ang kahulugan ng pangangailangan at kagustuhan Kailan nga ba nagiging pangangailangan ang kagustuhan? Ano ang mga halimbawa nito?
Table of Contents
Ano ang pangangailangan?
Ang pangangailangan ay mga bagay na kailangan natin upang mabuhay sa araw-araw. Ang ilang halimbawa nito ay pagkain, tirahan, at damit. Hindi tayo mabubuhay kung wala ang mga bagay na ito.
Ano naman ang kagustuhan?
Ang kagustuhan naman ay mga bagay na ating ninanais ng higit pa sa ating pangangailangan. Sa madaling salita, ito ay mga bagay na nagbibigay ng kasiyahan sa atin. Halimbawa nito ay ang pagkakaroon ng mamahalin at magagarang damit, mga nauusong telepono o “cellphone”, masasarap na pagkain at iba pa. Ito ay maaaring magbago, mapalitan, o madagdagan depende sa nais ng tao. Maaari din naman na ang kagustuhan ay maging pangangailangan depende sa sitwasyon. Halimbawa, si Levi ay bumili ng isang “cellphone” hindi lamang dahil ito ay uso ngunit kailangan niya ito upang makagawa ng kanyang takdang aralin sa iba’t ibang asignatura at makausap ang kanyang pamilya na nasa probinsya. Kung ating iisipin ang pagkakaroon ng “cellphone” ay isang kagustuhan ngunit maaari itong maging pangangailangan katulad na lamang ng sitwasyon ni Levi. Bumili siya ng “cellphone” hindi lamang dahil sa magbibigay ito ng kasiyahan sa kanya ngunit dahil kailangan nya ito at importante ito sa pang-araw-araw nyang gawain. Ngunit kung binili nya lamang ito dahil sa ito ay uso o kaya ay gamitin upang maglaro ng mga “offline at online games” ay mananatili parin itong kagustuhan. Maituturing lamang na pangangailangan ang isang kagustuhan kung ito ay mahalaga at magbibigay kontribusyon sa iyong araw araw na gawain at pamumuhay.
Hindi lamang materyal na bagay tulad ng damit, pagkain, at tirahan ang masasabing pangangailangan ng tao. Halimbawa nito ay ang pangangailangan ng isang indibidwal sa seguridad. Kinakailangan ito ng tao upang mabuhay ng mapayapa at komportable. Isa din sa mga ito ay pangangailangang panlipunan. Nakapaloob dito ang karapatan ng isang tao na makilahok sa lipunan at maging bahagi nito tulad ng pagkakaroon ng pamilya, kaibigan, at maayos na pakikitungo sa kapwa. Kinakailangan din ng isang indibidwal ang pagkakaroon ng respeto hindi lamang sa sarili kundi maging sa ating kapwa. Ang pinakamataas na antas naman ng pangangailangan ng tao ay ang kaganapan ng pagkatao. Ang isang tao na mayroon nito ay malikhain, kayang tumugon sa hamon ng kanyang paligid, may maayos na ugnayan sa kapwa at may pagpapahalaga sa kapwa. Kinakailangan nya ito upang maharap ang mga bagay tulad ng mga suliranin na maaring magpabagsak sa kanya at gawin itong oportunidad upang magkaroon ng maayos at matiwasay na pamumuhay.
Mga Salik na Nakakaapekto sa Pangangailangan at Kagustuhan ng Isang Indibidwal.
Maraming mga bagay sa ating paligid na maaring makaapekto sa ating mga desisyon sa buhay. Ang mga ito ay maaari ring makaapekto sa ating mga pangangailangan at kagustuhan. Ating nalaman na ang pangangailangan ay mga kailangan natin sa pang-araw-araw nating buhay samantalang ang kagustuhan ay nagbibigay ng labis na kasiyahan at higit pa sa ating pangangailangan. Ang pangangailangan at kagustuhan ay maaaring magbago o hindi at ito ay nakadepende sa kanyang paligid o maging sa kanyang sarili.
Ang mga salik na maaaring makaapekto sa pangangailangan at kagustuhan ng tao ay ang mga sumusunod:
Edad
Ang edad ay isa sa mga salik na maaaring makaimpluwensiya sa pangangailangan at kagustuhan ng tao. Nagbabago ito depende sa gulang o tanda ng isang indibidwal. Halimbawa, si Petra ay walong taong gulang pa lang qy hilig na niyang kumain ng mga matatamis na pagkain. Nang tumuntong siya sa labingwalong taong gulang ay naisip niyang masama ito sa kalusugan kaya kung kumakain man siya nito ay nasa tama lamang na dami at mas pinipiling kumain na lamang ng masusustansiyang pagkain tulad ng gulay at prutas. Maaaring ang isang kabataan tulad ni Petra ay sinusunod ang kanyang nais o panlasa. Ngunit sa kanyang pagtanda ay nagbago ito at mas inisip ang tamang gawin.
Antas ng edukasyon.
Isa din sa mga salik na nakaaapekto sa pangangailangan at kagustuhan ng isang tao ay ang antas ng pinag-aralan. Ang isang taong edukado ay mas mapanuri at matalino sa kanyang mga desisyon lalo na sa kanyang mga pangangailangan at kagustuhan. Halimbawa, si Sasha ay nagtapos bilang isang “accountant”, dahil sa kanyang pinag-aralan ay mas matalino at madiskarte siya lalo na kapag pera ang pag-uusapan. Mas isinasaalang-alang niya kung saan siya makakatipid at kung anong produkto ang bibilhin niya. Nakatulong ang kanyang pinag-aralan sa matalinong pagdedesisyon sa buhay.
Katayuan sa lipunan.
Lubos na nakaaapekto ang katayuan ng isa o higit pang indibidwal sa kanyang pang araw araw na pangangailangan at kagustuhan. Ang estado sa buhay ng isang tao ay maaaring magdikta sa kanyang mga desisyon sa pagpili o pagkamit ng kanyang mga pangangailangan o maging kagustuhan. Maaring ang isang taong may marangal na pamumuhay ay maghangad ng higit pa sa kung anong meron siya na kaya rin niyang makamit o makuha. Maaari rin naman na ang isang tao na nasa mababang kalagayan o mahirap ang pamumuhay ay isinasaalang alang kung ano ang mahalaga o kanilang pangangailangan lamang. Halimbawa, si Armin na isang manager ng isang kilalang restawran ay naghahangad na magkaroon ng isa pang kotse upang mapaltan na ang luma niyang kotse. Si Mang Jose naman na isang waiter sa restawran ay mas pinaprayoridad ang pagtitipid kaya naman ang pang araw araw na pangangailangan lamang ng kanyang pamilya ang kanyang isinasaalang alang. Si Melodias naman sa isang cashier sa naturang restawran ay nagbabalak bumili ng motor upang mas madali ang pagpasok niya sa trabaho at hindi na magkomyut pa at maipit sa trapik.
Panlasa.
Ang panlasa ay isa sa mga salik na maaaring makapaapekto sa pangangailangan at kagustuhan ng isang tao o grupo. Ang isang kabataan ay maaaring iba ang panlasa sa pagkain at pananamit kumpara sa nakatatanda o maaari rin namang pareho ang panlasa nila.
thankyou po