Ano ang Agrikultura?

You are currently viewing Ano ang Agrikultura?

Ang agrikultura ay napakahalaga sa buhay ng tao. Kung wala ito, maaring ikaw ngayon ay gutom at walang makain. Bilang isang mamamayan, mahalagang malaman natin kung ano ito at kung paano ito nakakatulong sa atin. Sa blog post na ito, ating aalamin ang kahulugan ng agrikultura. Atin ding bibigyang pansin ang limang sektor nito at kung bakit ito mahalaga.

Ano ang Kahulugan ng Agrikultura?

Ang agrikultura ay isang agham kung saan nililinang ang pag-aalaga at pagpaparami ng mga halaman at hayop. Ito ay ginagawa upang makalikha ng pagkain, damit, at iba pang produkto na makatutulong para masustentuhan ang pamumuhay ng tao.

Ito ay nanggaling sa salitang Latin na “AGRI” na ibig-sabihin ay “LUPA”, at CULTURA na nangangahulugan namang “PAGLILINANG”. Sa makatuwid, ang agrikultura ay nangangahulugan paglilinang ng lupa. Ang mga magsasaka ang isa sa may malaking ginagampanan sa gawaing ito. Sila ang gumagawa ng paraan upang mapataba ang lupa at sila din ang nagtatanim ng mga halaman upang makalikha ng pagkain at iba pang produkto. Ang agrikultura ay maiuugnay din sa pag-aalaga ng mga hayop.

Sektor ng Agrikultura

Ang agrikultura ay nahahati sa iba’t-ibang sektor. Ang bawat sektor ay may kanya-kanyang kontribusyon sa pagpapaunlad ng ating bansa. Nakabatay ang mga gawain ng sektor sa kapaligiran nilang nabibilangan.

May limang sektor ang agrikultura. Ito ay ang: 1.) Paghahalaman, 2.) Paghahayupan, 3.) Pangisdaan, 4.) Paggugubat, at 5.) Pagmimina. Sa ibaba, iyong mababasa ang deskripsyon/gampanin ng bawat sektor at kung ano ang mga produkto na makukuha dito.

  1. Paghahalaman
    Ang sektor na ito ng agrikultura ay nakatuon sa pagpaparami ng mga halaman na maaring mapagkunan ng hilaw na materyales at iba pang produkto. Ang gawaing maiuugnay dito ay ang pagsasaka. Binibigyang pansin sa sektor na ito ang pamamahala sa pagtatanim ng pangunahing halaman ng isang bansa. Malaki ang kontribusyon ang naibibigay ng paghahalaman sapagkat ang malaking bilang ng suplay ng pagkain ay nagmumula dito. Ang mga produktong maaring makuha mula sa sektor na ito ay ang hibla (fiber), mais, palay, niyog at tubo.
  2. Paghahayupan
    Ang sektor namang ito ay nakapokus sa pag-aalaga at pagpaparami ng hayop. Ang mga hayop na madalas alagaan sa Pilipinas ay manok, baboy, baka at kambing. Nagbibigay ito ng suplay ng pagkain tulad ng karne at itlog.
  3. Pangisdaan
    Ang pangisdaan ay naka-sentro sa paglinang, pag-aalaga, pagpaparami at panghuhuli ng isda. Matatagpuan ang sektor na ito sa mga pamayanang malapit sa anyong tubig tulad ng dagat, ilog, at lawa. Ang produkto na maaring makuha dito ay iba’t-ibang uri ng isda, sardinas at tuna. Malaki ang naitutulong ng sektor na ito sa pagpapaunlad ng ekonomiya. Ang mga produkto mula dito ay naiaangkat patungo sa ibang bansa.
  4. Paggugubat
    Ang paggugubat ay sektor ng agrikultura kung saan nililinang ang kagubatan. Tulad ng paghahalaman, ang sektor na ito ang isa sa pinagkukunan ng mga hilaw na materyales. Dito nakakakuha ng mga punong kahoy na ginagamit sa paggagawa ng muwebles at iba pang kasangkapan sa bahay. Layunin din ng sektor ng paggugubat na pangalagaan ang kagubatan laban sa mga mapang-abusong sumisira nito.
  5. Pagmimina
    Ang sektor ng pagmimina ang responsable sa pagmimina ng likas na yaman na matatagpuan sa Pilipinas. Ang mga halimbawa ng likas na yamang ito ay yamang mineral, yamang metal at hindi metal, at iba’t-ibang enerhiya na makukuha mula sa kapaligiran. Ang mga yamang metal at di metal ay maaring magamit sa paggagawa ng mga produkto tulad ng mga alahas. Nagagamit din ang kapaligiran upang makalikha ng enerhiya tulad ng pagmimina ng gasolina, mga planta at iba pa. Ang labis na pagmimina sa kapaligiran ay nakakasama kaya’t hindi dapat ito abusuhin.

Kahalagahan ng Agrikultura

Ang agrikultura ay isa sa pinakamahalagang sektor ng ekonomiya. Marami itong naitutulong sa pagpapaunlad at pagpapaganda ng buhay ng isang indibidwal at maging ng buong pamayanan. Napalago nito ng lubusan ang estado ng pamumuhay ng mga tao. Mula sa pagsusustento ng pagkain, hanggang sa iba pang aspeto ng buhay.

Mahalaga ang agrikultura sapagkat ito ang pangunahing pinagkukunan ng pagkain. Alam natin na ang Pilipinas ay mayaman sa malusog na kalupaan at malinis na katubigan, kung kaya’t marami ang maaring maitanim na halaman, gulay at prutas dito. Marami ding pagkaing-dagat ang maaring makuha sa mga anyong tubig na nakapaligid sa ating bansa. Dahil dito, matitiyak nating hindi magkakaroon ng kakulangan ang suplay ng pagkain. Kung wala ang agrikultura, maaring magkulang ang suplay ng pagkain at maaring magdulot ito ng pagkagutom sa mga mamamayan.

Nagbibigay ng trabaho. Alam mo ba na maraming natutulungan ang agrikultura? Ito ay nakapagbibigay ng trabaho maging sa mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Ang pangunahing trabaho na naibibigay nito ay ang pagsasaka, pagmimina at pangingisda. Sa tulong nito, nasusustentuhan ng ibang Pilipino ang kanilang pamilya.

Napagkukunan ng hilaw na materyales. Isa rin sa kahalagahan ng agrikultura ay napapagkunan ito ng hilaw na materyales na ginagawang sangkap upang makalikha ng bagong produkto.

Nakakatulong sa pangangalaga ng likas na yaman at kapaligiran. Ang agrikultura ay may malaking responsibilidad sa pangangalaga ng ating kalikasan. Sila ang nangangasiwa upang hindi maabuso ang pagkuha ng likas na yaman. Ang sektor na ito ay naglalayong mapangalagaan ang kagubatan. Layunin rin ng sektor ng agrikultura na makapagtanim ng panibagong puno upang mapalitan ang mga punong naputol dahil sa produksyon.

Nakakatulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa. Sa pangkalahatan, ang agrikultura ay nagbibigay ng malaking kontribusyon sa pag-asenso ng isang bansa. Dito umaasa ang iba pang sektor ng ekonomiya tulad ng industriya. Dahil nakakapagbigay ito ng trabaho, bumababa din ang ang bilang ng mahihirap na Pilipino. Dagdag pa, ang mga produkto mula sa sektor na ito ay maari ding makatulong sa pagpapalaki ng kita ng bansa sa pamamagitan ng pagluluwas at pagbebenta nito sa ibang nasyon.

Konklusyon

Ang agrikultura ay maituturing nating malakas na sandata upang mabuhay. Samakatuwid, dapat magkaroon tayo ng kaalaman hinggil dito. Dito, matututo tayong maglinang ng mga yaman na nasa paligid natin. Sa pagkakaroon ng kaalaman tungkol dito, maraming benipisyo ang pwede nating makamtan. Pero higit sa lahat, ang pinakamahalaga na dapat nating matutunan sa agrikultura ay ang pangangalaga sa ating kalikasan sapagkat dito nagmumula ang lahat ng ating likas na yaman.

Pinagkunan

Leave a Reply