Ang kultura ang itinuturing na kaluluwa ng isang bansa. Masasabing ito ang nagbibigay buhay sa isang lugar sapagkat ito ang nagiging batayan ng kilos o gawi ng mga mamamayan.
Sa blog post na ito, ating tatalakayin ang mga tanong na pwede mong iugnay paksang ito; Ano ang kultura? Ano ang dalawang uri nito? Ano ang mga elemento ng kultura?
Table of Contents
Ano ang kahulugan ng kultura?
Ang kultura ay ang kabuuan ng pinagsama-samang pananaw ng mga tao sa kanilang lipunan. Nakapaloob sa pananaw na ito ang koleksyon ng mga kaugalian, nakasanayan, paniniwala, tradisyon at iba pa. Maaring ang mga pananaw na ito ay pamana pa ng mga naunang henerasyon na naisalin hanggang sa kasalukuyang panahon.
Ito ay tumutukoy din sa paraan ng pamumuhay ng mga tao. Nagbibigay ito ng kahulugan at paglalarawan sa lipunang kanyang ginagalawan. Dagdag pa, nagsisilbi rin itong batayan ng mga kilos at gawi ng mga tao. Sa isang lipunan o kumunidad, tumutulong ang kultura sa pagbibigay ng katwiran kung ano nga ba ang kaibahan ng tama sa mali, at mabuti sa masama.
Ang kultura ay nagsisilbi ring pagkakakilanlan ng isang lugar. Nabubuo ang kultura upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga indibidwal sa isang partikular na lugar. Dahil bawat rehiyon ay mayroong sariling pangangailangan, nag-iiba ang mga kilos at gawi nila kumpara sa iba pa.
Dahil bawat tao ay nabibilang sa lipunan, ibig sabihin, nabibilang din tayo sa kultura nito. Hinuhubog nito ang bawat indibidwal para magampanan ang kanilang papel sa lipunan sa kanais-nais na paraan. Sa tulong nito, mas nagkakaroon ng kabuluhan ang buhay ng isang tao at mas nabubuo ang kanilang pagkatao.
Elemento ng kultura
Ang sumusunod ay ang pito (7) sa pangunahing elemento ng kultura.
Kaugalian (Norms)
Ito ay ang mga asal, gawi o kilos na nagiging pamantayan ng isang indibidwal kung paano siya gagalaw sa lipunan.
Apat uri ng norms
- Folkways
Ito ay ang pangkalahatang batayan ng normal na pagkilos ng mga tao sa isang lipunan. Halimbawa, sa Pilipinas, pangkaraniwan na sa mga bisita na iwanan sa labas ng bahay ang kanilang mga tsinelas. - Mores
Ito ay mas mahigpit na batayan ng kilos, kung saan natutukoy ang moralidad ng isang tao sa lipunang kanyang ginagalawan. Halimbawa, dapat magsuot ng maayos na damit sa tuwing nagsisimba. - Taboos
Ang taboos naman ay ang paglabag sa mga mores, kung saan ang moralidad ng isang tao ay hindi angkop sa dapat na kilos. Halimbawa, pagsuot ng maikling mga shorts kapag magsisimba. - Batas
Ito naman ang batayan ng kilos na ipinatupad ng kinauukulan para sundin ng mga mamamayan. Ito ay kalimitang pormal at nakasulat sa konstitusyon.
Pagpapahalaga (Values)
Tumutukoy naman ito sa pamantayan ng lipunan kung ano ang mga gawaing katanggap-tanggap at ano ang mga kilos na hindi kanais-nais. Basehan din ito sa kung ano ang tama at mali, at kung anong mga kilos ang mabuti at nararapat. Halimbawa, ang pagmamano ng mga bata sa nakakatanda.
Paniniwala (Beliefs)
Ito ay ang mga pananaw, ideya o kaisipan na tinatanggap sa lipunan bilang totoo. Halimbawa, ang pananalig at paniniwala ng ibang tao sa mga Albularyo.
Simbolo (Symbols)
Ang simbolo ay maaring mga materyal na bagay na nagbibigay ng kahulugan. Maari din itong paggamit ng di-berbal na kumunikasyon. Sa pamamagitan ng mga simbolo, nabibigyan ng kahulugan ang isang bagay kahit hindi ito gamitan ng wika. Halimbawa ng bagay na nagbibigay ng kahulugan ay ang Krus. Para sa iba, ito ay tanda ng pagsasakripisyo ni Kristo upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan; Ang magandang halimbawa naman ng simbolo na gumagamit ng hindi berbal na kumunikasyon ay sign language at pagkumpas (gestures).
Wika (Language)
Ang wika ang pinakamabisang paraan ng komunikasyon. Ang wika ay maaring nasa anyo ng sulat o bigkas. Mahalaga ang wika sa lipunan sapagkat sa pamamagitan nito, mas nagkakaroon ng pagkakaunawaan ang bawat indibidwal.
Sining at Panitikan (Arts and Literature)
Ang sining at panitikan ay ang produkto ng imahinasyon ng mga tao. Sa pamamagitan ng dalawang ito, mas naipapahayag ng bawat tao ang kanilang emosyon at nararamdaman sa mas masining na paraan. Mahalaga ang sining at panitikan sa kultura sapagkat sa pamamagitan nito, naipapakita at naipapasa ng mga naunang henerasyon ang ganda na nakaraan.
Relihiyon (Religion)
Ang relihiyon ay ang paniniwala at pananalig ng mga tao sa mga ispiritwal na bagay, tao, o pangyayari, partikular na sa mga Diyos. Sa ibang lugar, ito ang nagiging sentro ng kultura sapagkat dito nakabase ang kanilang kaugalian, pagpapahalaga at mga paniniwala. Ang halimbawa ng relihiyon ay Hudaismo, Kristiyanismo at Islam.
Dalawang uri ng Kultura
Nahahati ang kultura sa dalawang uri. Ito ay ang materyal at hindi materyal na kultura. Ang dalawang uring ito ay naiiba sa isa’t isa.
Materyal na Kultura
Masasabingg ang materyal na kultura ay mga bagay na makikita mo sa iyong paligid. Ito ay mga bagay na nilikha at iyong nahahawakan. Ilang halimbawa nito ay mga gusali o arkitektura, mga likhang sining, mga kasuotan, kagamitan, at iba pa. Maari bang ding sabihin na ang pagkain ay isang materyal na kultura sapagkat ito ay masasabing nagpapakita kung anong paniniwala o mismong kultura ng isang pangkat o grupo ng mga tao.
Di-materyal na Kultura
Ang di-materyal na kultura ay mga bagay na hindi nahahawakan ngunit maaring maramdaman o iyong maobserbahan sa iyong paligid. Kabilang dito ang mga ideya, paniniwala, batas, mga kaugalian, at norms ng isang lupon ng mga tao. Halimbawa sa di-materyal na kultura ay ang paniniwala ng isang tribo sa mga anito o sinasabing diyos-diyosan.
Kahalagahan ng Kultura
- Nagkakaroon ng pagkakakilanlan ang isang pangkat ng mga tao.
- Napagbubuklod nito ang isang lugar at bagbubunga ito ng pagkakaisa.
- Sa pamamagitan ng kultura, naipapakita ng mga tao ang kanilang mga talento.
- Binubuo nito ang ating pagkatao
- Nagkakaroon tayo ang kaalaman sa ating kasaysayan at nakaraan.
Konklusyon
Sa pangkalahatan, ang kultura ay ang pamamaraan ng pamumuhay ng mga tao sa isang lipunan. Ang mga pangunahing elemento nito ay ang kaugalian, pagpapahalaga, paniniwala, simbolo, wika, sining at panitikan, at relihiyon. Nalaman din natin na mag dalawang klasipikasyon ang kultura; Ang materyal at di-materyal. Kung may nais kang idagdag o imungkahi, mag-iwan lamang ng puna sa ibaba. Salamat sa pagbabasa!
hi po, can I ask for your surname? para po sia sa citation thank you
Atienza
THANKS………..