Ang kakulangan at kakapusan ay isang suliranin na hindi mawawala sa ekonomiya ng isang bansa. Sa ekonomiks, mahalagang mapag-aralan mo ang konsepto ng kakapusan at kakulangan. Sa pagkakaroon ng kaalaman tungkol dito, mabibigyan ka nito ng ediya kung paano mo mababalanse at matitipid ang pagkonsumo ng ating pinagkukunang yaman.
Table of Contents
Pagkakaiba ng kakapusan at kakulangan
Marami sa ating mga Pilipino ang kakaunti lamang ang kaalaman patungkol sa isyu ng kakapusan at kakulangan. Ang iba sa mga kababayan natin ay mali ang pananaw tungkol sa isyung ito ng ating ekonomiya. Para mas malinaw mong maintindihan ang konsepto ng kakulangan at kakapusan, at kung ano ang pagkakaiba nito, nandito ang depinisyon na magtuturo sayo ng kaibahan ng dalawa.
Ano ang kakapusan?
Ang kakapusan (scarcity) ay nangyayari kapag ang supply ng likas na yaman ay unti-unti nang nauubos. Dahil sa limitado lamang ang pinagkukunang yaman, hindi ito nagiging sapat para sa ‘di maubos-ubos na pangangailangan at kagustuhan ng mga tao. Nagkakaroon ng kakapusan sa mga non-renewable resources o mga bagay na hindi napapalitan, mga bagay na libong taon pa ulit bago natural na mabuo sa mundo. Maaring magkaroon ng kakapusan sa mga nakukuhang bagay na natural na talaga sa mundo, tulad ng mga mineral at gasolina.
Halimbawa ng kakapusan:
- Kakapusan sa hilaw na materyales
- Kakapusan sa gas / gasolina
- Kakapusan sa nickel / tanso na gamit sa paggawa ng gusali
Mga palatandaan ng kakapusan
Ang mga sumusunod ay ang mga palatandaan na nagkakaroon na ng kakapusan ang ating pinagkukunan yaman.
- Pag-unti ng mga puno na maaring magdulot ng mga hilaw na materyales. Sa pag-unti rin ng puno, nagkakaroon ng extinction ng mga hayop at magkaroon ng pagkasira sa daloy ng biodiversity.
- Pag-unti ng coral reef sa mga karagatan. Sa pagkasira naman ng mga coral reef na tirahan ng mga isda, ang bilang ng mga isda sa katubigan ay nababawasan at nagreresulta sa kaunting huli ng mga mangingisda.
- Pag-unti ng mga likas na yaman sa ilalim ng lupa. Dahil limitado ang makukuha nating mineral sa ilalim ng lupa, ang supply para sa paggawa ng mga gusali ay limitado rin. Kung kaya ang bilang ng supply para sa produksyon ng materyales ay maari ding maubos.
Mga paraan paraapamahalaan ang kakapusan
Dahil sa masyadong limitado ang ating likas na yaman, kailangan makontrol ng bawat isa ang pagkunsumo. Ang sumusunod ay mga paraan para maiwasan natin ang kakapusan.
- Pagbibigay ng pamahalaan ng wastong kaalaman ang mga mamayan patungkol sa isyu ng kakapusan.
- Pagpapatupad ng programa na magtuturo sa mga mamayan kung paano magtipid.
- Maigting na pagpapatupad ng pamahalaan ng mga batas at polisiya na maglilimita sa mga tao sa labis pagkonsumo ng likas na yaman.Maki-isa sa mga programa ng mga environmentalist. Tulad ng mga sumusunod:
- Maki-isa sa pagtatanim ng puno
-Maggawa ng adbokasiya patungkol sa masamang dulot ng kemikal sa ating kapaligiran
-Pagbabantay sa kalagayan ng mga halaman at hayop.
Ano ang kakulangan?
Ang kakulangan(shortage) ay nangyayari kapag hindi na sapat ang supply ng isang produkto. ‘Di tulad ng kakapusan na umaabot ng libong taon bago mapalitan ang nauubos na supply, ang kakulangan naman ay pansamantala lamang na suliranin sa ekonomiya. Sa pagkakaroon ng kakulangan, maaring magawan pa ito ng paraan ng tao. Ang karaniwang kakulangan na nararanasan ng mga tao ay ang kakulangan sa produktong nakakain. Katulad na lamang ng kakulangan sa bigas. Karaniwan itong nangyayari kapag may nangyayaring kalamidad tulad ng El Niño at El Niña, bagyo, pananalakay ng peste at iba pa. Upang matugunan ang kakulangan, gumagawa ng paraan ang pamahalaan tulad ng pag import ng supply ng bigas galing sa ibang bansa. Sa pamamagitan nito mababalanse ang pangangailan at supply ng produkto.