Ano ang Pabula?

You are currently viewing Ano ang Pabula?

Ang mga katangian ng hayop ay maaring gamitin upang magbigay ng aral sa mga bata. Ang paggamit ng hayop bilang tauhan sa isang akda ay matatawag na pabula. Pero, ano nga ba ang pabula? Sa artikulong ito, ating tatalakayin ang kahulugan, katangian, elemento, at kahalagahan nito.

Ano ang Kahulugan ng Pabula?

Ang pabula ay isang uri ng panitikan na kung saan ang pangunahing mga tauhan ay ginagampanan ng mga hayop. Sa akdang ito, ang mga hayop ay kumikilos at nakakapagsalita tulad ng mga tao. Sa wakas ng kwento, ang mga mambabasa ay inaasahang may mapupulot na mabuting aral at magandang asal.

Karamihan sa mga pabula ay isinulat para sa mga bata. Ito ay karaniwang binabasa sa mga bata sapagkat madaling nitong naituturo ang pagkakatulad ng ugali ng mga tao sa mga hayop. Halimbawa, ang leon ay karaniwang nagpapakita ng pagiging malakas at matapang, samantalang ang tupa naman ay nagpapakita ng pagiging mabait at maamo. Naipapamulat ng akdang ito ang mga mabubuting katangian na dapat taglayin ng mga bata.

Maituturing din ang pabula bilang isa sa mga pinakamatandang uri ng panitikan sa daigdig. Pinaniniwalaang ito ay nagmula pa noong ikaapat na siglo bago pa man isinilang si Hesus. Ang pinakakilalang manunulat ng pabula ay si Aesop, itinuturing din siya bilang “Ama ng Pabula”.

Katangian ng Pabula

Ang mga sumusunod ay katangian na dapat taglayin epektibong pabula.

  • Dapat ito ay nakakahikayat at nakakapukaw ng interes ng mga mambabasa.
  • Dapat may maayos na daloy ang mga pangyayari.
  • Ito ay mas magiging epektibo sa mga mambabasa kung ang paksa nito ay napapanahon at may kaugnayan ang kwento sa nagaganap sa paligid.

Ano ang mga Elemento ng Pabula?

Ang pabula ay may apat na elemento. Ito ay ang tauhan, tagpuan, banghay, at aral.

  1. Tauhan – Ang tauhan ang kumikilos sa akda. Ang karaniwang tauhan na gumaganap sa pabula ay mga hayop. Gayunpaman, may ilan ding pabula na ang tauhan ay magkasama ang tao at hayop.
  2. Tagpuan – Ang tagpuan ay ang lugar at oras kung saan naganap ang mga pangyayari.
  3. Banghay – Ito naman ay ang daloy at pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa kwento.
  4. Aral – Ito naman ang nais ipabatid ng may akda sa kanyang mga mambabasa. Ito ay magsisilbing gabay sa mga mambabasa lalo na sa mga bata sa kung ano ang tama at mabuti. Nagtuturo din ito ng mga mabubuting asal na dapat taglayin ng isang bata.

Kahalagahan ng Pabula

Nagbibigay ng mabubuting aral na magagamit sa pang-araw-araw na buhay. Sa pagbabasa ng akdang ito, may makukuha tayong mga aral na pwedeng gumabay sa ating mga kilos. Sa pagbabasa nito, ang pagkatao ng isang bata ay pwedeng mahubog ng wasto.

Napapalawak ang talasalitaan ng mga bata. Sa pagbabasa, may mga bagong salitang maaring matutunan. Ang mga salitang ito ay nakadaragdag sa kaalaman ng bata at maari pa niya itong magamit sa hinaharap.

Lumalawak ang pang-unawa. Hindi rin maiiwasan ang matatalinhagang salita sa kwento. Dahil dito, ang mga bata ay natututong umunawa at mag-isip kung ano ang ibig-sabihin ng mga linya sa kwento.

Lumalawak ang imahinasyon. Isa pa sa kahalagahan ng pabula ay pinapagana nito ang imahinasyon ng mga mambabasa. Sa pagbabasa o pakikinig ng mga kwento tungkol sa mga hayop, nabubuhay nito ang mga karakter sa isipan ng mga taong bumabasa nito, na tila ba tunay ang mga pangyayaring nagaganap.

Nagbibigay aliw sa mga bata. Dahil ang mga tauhan sa istoryang ito ay puro hayop, nakukuha nito ng lubos ang atensyon ng mga bata. Ang kwento nito ay naghahatid sa kanila ng aliw sapagkat natutuwa sila sa kakayahan ng mga hayop na kumilos na parang mga tao.

Mga halimbawa

Ang mga sumusunod ay halimbawa ng pabula. Para malaman ang istorya ng mga sumusunod na pamagat, sundan lamang ang link na ito.

  • Ang Daga at ang Leon
  • Ang Aso at Kanyang Anino
  • Ang Madaldal na Pagong
  • Ang Agila at ang Maya
  • Ang Alitaptap at Paru-paro

Pinagbasehan

Leave a Reply