Ano ang Tekstong Argumentatibo?

You are currently viewing Ano ang Tekstong Argumentatibo?

Ano ang Kahulugan ng Tekstong Argumentatibo

Ang tekstong argumentatibo ay isang uri ng teksto na ang pangunahing layunin ay makapaglahad ng katuwiran. Sa tekstong ito, ang manunulat ay kailangang maipagtanggol ang kaniyang posisyon sa paksa o isyung pinag-uusapan. Kinakailangang may matibay na ebidensya ang manunulat upang mapatunayan ang katotohanan ng kaniyang ipinaglalaban. Ang ilan sa mga ebidensya na pwede niyang gamitin ay sariling karanasan, kasaysayan, kaugnay na mga literatura, at resulta ng empirikal na pananaliksik.

Ang pagsulat ng ganitong uri ng teksto ay nangangailangan ng masusi at maingat na pagkalap ng mga datos o ebidensya. Kapag mayroon ng matibay na ebidensya, ang manunulat ay obligado nang panindigan ang kaniyang panig, maari na rin siyang magsimulang magsulat ng malaman at makabuluhang pangangatwiran. Sa pamamagitan ng detalyadong pag-aaral sa paksa o isyu, mas mauunawaan ng mananaliksik ang iba’t-ibang punto de bista na maaring matalakay sa diskurso. Dahil may sapat na rin siyang kaalaman tungkol sa paksa, mas madali na rin para sa kanya ang pumili ng posisyon o papanigan.

Sa tekstong argumentatibo, ang pangangatwiran ay nararapat na maging malinaw at lohikal, kahit pa ang layunin lamang nito ay magpahayag ng opinyon sa isang tiyak na isyu o usapin.

Ano ang Dalawang Elemento ng Pangangatuwiran?

May dalawang elemento ang pangangatwiran, ito ay ang proposisyon at argumento.

Proposisyon

Ayon kay Melania L. Abad (2004) sa “Linangan: Wika at Panitikan”, ang proposisyon ay ang pahayag na inilalatag upang pagtalunan o pag-usapan. Ito ay dapat mapagkasunduan bago magsimula ang pagbibigay ng argumento ng dalawang panig. Kung walang itatakdang proposisyon, magiging mahirap ang pangangatwiran sapagkat hindi magkakaisa sa mga batayan ng isyu ang dalawang panig. Sa ibaba, iyong mababasa ang ilan sa mga halimbawa ng proposisyon.

  • Dapat ipasa ang Divorce bill upang mabawasan ang karahasan laban sa kababaihan
  • Dapat ipatupad ang RH Bill upang makontrol ang populasyon at kahirapan
  • Nakasasama sa pamilya ang pag-alis ng isang miyembro nito upang magtrabaho sa ibang bansa
  • Mas epektibo sa pagkatuto ng mga mag-aaral ang multilingual education kaysa sa bilingual education
  • Ang pagpapatupad ng death penalty ay makakatulong para mabawasan ang kriminalidad sa bansa

Argumento

Ang argumento ay ang pangalawang elemento ng pangangatuwiran. Ito ay ang pagpapahayag ng mga dahilan at ebidensya upang maipagtanggol ang katuwiran ng isang panig. Ang nangangatwiran ay kailangang may sapat na kaalaman sa proposisyon upang makapaglahad ng mahusay na argumento.

Katangian at Nilalaman ng Mahusay na Tekstong Argumentatibo

Mahalaga at napapanahon ang paksa

Ang pagpili ng paksa sa tekstong argumentatibo ay napakahalaga dahil dito iikot ang buong diskusyon. Kapag pumipili ng paksa, dapat isaalang-alang kung ito ba ay napapanahon sa mga isyu o kaganapan sa lipunan.

Maikli ngunit malaman at malinaw na pagtukoy sa tesis sa unang talata ng teksto

Sa unang talata, dapat ipaliwanag ng mabuti ng manunulat ang buong konteksto ng paksa sa pamamagitan ng pagtatalakay nito sa pangkalahatan. Makikita rin sa bahaging ito ang kahalagahan ng paksa at kung bakit kailangang makialam ng mambabasa sa nasabing isyu.

Malinaw at lohikal na transisyon sa pagitan ng mga bahagi ng teksto

Transisyon ang magpapatibay ng pundasyon ng isang teksto. Ito rin ang nagbibigay ng koneksyon sa pagitan ng mga kaisipan sa bawat talata. Kung walang lohikal na pagkakaayos ng kaisipan, maaring hindi makasunod ang mambabasa sa argumento at hindi maging epektibo ang kabuuan ng teksto. Ang transisyon ay nakakatulong din upang ibuod ang ediya ng naunang bahagi ng teksto at magbigay ng introduksyon sa susunod na bahagi.

Maayos ang pagkakasunud-sunod ng mga talatang naglalaman ng mga ebidensya ng argumento

Ang nilalaman ng bawat talata ay dapat umiikot sa iisang pangkalahatang ideya lamang. Ito ang magbibigay ng linaw at direksyon sa buong teksto. Upang magkaroon ng kaayusan, kinakailangan ding isaalang-alang ang lohikal na koneksyon sa bawat talata. Dagdag pa, ang pagkakaroon ng maikli ngunit malaman na talata ay makakatulong upang mas maintindihan ng mambabasa ang teksto.

Matibay na ebidensya para sa argumento

Ang tekstong argumentatibo ay kinakailangang maging detalyado, tumpak at napapanahon ang impormasyon. Sa pagkakaroon ng matibay na ebidensya, masisigurado ng manunulat ang katotohanan ng kaniyang sinulat na argumento.

Sanggunian

  • Crizel Sicat-De Laza 2016. Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. Manila, Philippines. REX Book Store
  • Feature image – FreePik.com

Leave a Reply