Ikaw ba ay nakaranas nang basahan ng kwento ng iyong mga magulang, guro, iyong kaibigan, o ng ibang tao? Alam mo ba na ang kanilang sinasalaysay sa iyo ay nabibilang sa tekstong naratibo? Halina’t ating alamin ang kahulugan ng tekstong ito at kung anu-ano ang elemento nito!
Table of Contents
Ano ang Kahulugan ng Tekstong Naratibo?
Ang tekstong naratibo ay isang uri ng tekstong naglalayong magsalaysay ng kwento o pangyayari. Ang pagsulat nito ay maaring batay sa obserbasyon o nakita ng may akda, maari din namang ito ay nanggaling mula sa sarili niyang karanasan. Ito ay maaring hinango sa totoong pangyayari sa daigdig (di-piksyon), o nanggaling lamang sa kathang-isip ng manunulat (piksyon).
Ang ilan sa mga halimbawa ng tekstong nagkukuwento na nabibilang sa akdang piksyon ay nobela, maikling kwento, at tulang nagsasalaysay. Ang halimbawa naman ng hindi piksyon ay talambuhay, balita at maikling sanaysay. Lahat ng halimbawang nabanggit ay nagtataglay ng masining na pagsasalaysay, nagpapahayag ng emosyon sa mga mambabasa, at nagpapakita ng iba’t-ibang imahen, metapora at mga simbolo.
Elemento ng Tekstong Naratibo
Paksa
Ang paksa ang siyang iniikutan ng kwento sa tekstong naratibo. Sa pagpili ng paksa, mahalagang isaalang-alang ang magiging papel nito sa lipunan.
Estruktura
Ang estruktura ay ang pagkakaayos ng daloy ng mga pangyayari sa kwento. Ang kabuuang estruktura ng kwento ay kinakailangang maging malinaw at lohikal.
Oryentasyon
Ang oryentasyon ay ang malinaw na pagbibigay ng deskripsyon ng may akda sa mga tauhan, tagpuan at mga pangyayari sa kwento. Ang manunulat ay dapat makapagbigay ng tiyak na detalye upang maipadama sa mga mambabasa ang realidad ng kaniyang akda.
Pamamaraan ng Narasyon
Ito ay estilo kung paano isinalaysay ng manunulat ang kabuuan ng kwento. Ang ilan sa mga paraan ng pagsasalaysay ay makikita mo sa ibaba.
- Diyalogo – Ito ay estilo ng narasyon kung saan ang pagsasalaysay ng kwento ay naipapahayag sa pamamagitan ng pag-uusap ng mga tauhan.
- Foreshadowing – Ito ay ang pagbibigay ng pahiwatig ng may akda sa kung ano ang maaring maganap sa istorya
- Plot twist– Sa mga tekstong naratibo, ang plot twist ay ang hindi inaasahang kaganapan sa daloy ng kwento.
- Ellipsis – Ang ellipsis ay ang pagtatanggal ng manunulat ng ilang yugto ng kwento upang mabigyan ng pagkakataon ang mambabasa na magbigay ng sarili nilang salaysay.
- Comic Book Death – Ito ay isang estilo ng pagsasalaysay kung saan pinapatay ng manunulat ang mga mahahalagang tauhan ngunit sa pahuling bahagi ng kwento, ito ay bigla na lamang magpapakita para bigyan ng linaw ang mga nangyari.
- Reverse Chronology – Isang paraan ng pagsasalaysay kung saan ang kwento ay nagsisimula sa dulong bahagi hanggang sa makapunta sa simula.
- In medias res – Ang narasyon ay nagsisimula sa gitnang bahagi ng kwento.
- Deus ex machina – Sa estilong ito, nabibigyan ng solusyon ang matinding suliranin sa pamamagitan ng hindi inaasahang mga tauhan, bagay o pangyayari. Ang mga susi sa suliranin ay hindi ipinakita o ipinakilala sa bandang unahan ng kwento, sa halip, sila ay bigla na lamang sumulpot sa istorya.
Komplikasyon o Tunggalian
Ang tunggalian ay ang nagbibigay ng “thrill” o pagkasabik sa kwento. Ito ay karaniwang nagpapakita ng pagsubok na kinakaharap ng pangunahing tauhan.
Resolusyon
Ito ang kahahantungan ng komplikasyon o tunggalian. Ang resolusyon ay maaring maging masaya o malungkot. Maari din namang magtapos ito sa hindi tiyak na kalalabasan kung saan ang mambabasa ang siyang mag-iisip sa kung ano ang kinahantungan ng kwento.
Basahin din ang iba pang uri ng teksto: - Tekstong Impormatibo - Tekstong Deskriptibo - Tekstong Persweysib - Tekstong Prosidyural
Sanggunian
- Feature Image Provided by FreePik.com
- Crizel Sicat-De Laza 2016. Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. Manila, Philippines. REX Book Store