Ano ang Tekstong Prosidyural

You are currently viewing Ano ang Tekstong Prosidyural

May mga gawain tayong ginagawa na kailangan ng gabay para maisagawa ng maayos. Kung walang mga hakbang, maaring maging masama ang kalabasan ng ating mga proyektong gagawin. Dito papasok ang tinatawag nating “Tekstong Prosidyural”. Halina’t alamin ang gamit ng tekstong prosidyural at matutong gumawa ng sarili mong prosidyur!

Ano ang Tekstong Prosidyural

Ang tekstong prosidyural ay isang uri ng teksto na nagbibigay ng impormasyon kung paano isagawa ang isang bagay o gawain. Sa tekstong ito, pinapakita ang mga impormasyon sa “Chronological” na paraan o mayroong sinusunod na pagkakasunod-sunod. Ang layunin ng tekstong prosidyural ay magbigay ng panuto sa pambabasa para maisagawa ng maayos ang isang gawain.

Iba’t-ibang uri ng Tekstong Prosidyural

  • Paraan ng pagluluto (Recipes) – Pinaka karaniwang uri ng Tekstong Prosidyural. Ito ay nagbibigay ng panuto sa mambabasa kung paano magluto. Sa paraan ng pagluluto, kailangan ay malinaw ang pagkakagawa ng mga pangungusap at maaring ito ay magpakita rin ng mga larawan.
  • Panuto (Instructions) – Ito ay naggagabay sa mga mambabasa kung paano maisagawa o likhain ang isang bagay.
  • Panuntunan sa mga laro (Rules for Games) – Nagbibigay sa mga manlalaro ng gabay na dapat nilang sundin.
  • Manwal – Nagbibigay ng kaalaman kung paano gamitin, paganahin at patakbuhin ang isang bagay. Karaniwang nakikita sa mga bagay may kuryente tulad ng computers, machines at appliances.
  • Mga eksperimento – Sa mga eksperimento, tumutuklas tayo ng bagay na hindi pa natin alam. Karaniwang nagsasagawa ng eksperimento sa siyensya kaya naman kailangang maisulat ito sa madaling intindihin na wika para matiyak ang kaligtasan ng magsasagawa ng gawain.
  • Pagbibigay ng direksyon – Mahalagang magbigay tayo ng malinaw na direksyon para makarating sa nais na destinasyon ang ating ginagabayan.

Halimbawa ng Tekstong Prosidyural

  1. Recipe ng spaghetti
  2. Recipe ng Adobong Manok
  3. Paano magluto ng fried chicken
  4. Paano gumawa ng silya
  5. Paano patakbuhin ang kotse
  6. Paano maggawa ng DIY explosion box
  7. Paano maghanda ng chicken buffet

Ilan lamang iyan sa napakadaming halimbawa ng tekstong prosidyural. Madami ka pang makikitang halimbawa sa internet, manwal, at mga libro ng prosidyur.

Apat na pangunahing Bahagi ng Tekstong Prosidyural

Ang tekstong prosidyural ay nahahati sa apat na pangunahing bahagi, at ito ay ang mga sumusunod:

  • Layunin – Ang nais mong maisagawa pagkatapos ng gawain. Tinutukoy rin nito ang dapat maging resulta ng susunding prosidyur. Ang layunin ay laging sumasagot sa tanong na “Paano”.
  • Mga Kagamitan / Sangkap – Dito papasok ang mga kagamitan dapat gamitin para maisakatuparan ang gawain. Sa recipe, kailangan mong ilista ang lahat ng sangkap upang maihanda ng mambabasa ang kanilang ilalahok sa iluluto.
  • Hakbang(steps)/ Metodo(method) – Ang serye o pagkakasunod-sunod ng prosidyur.
  • Konklusyon / Ebalwasyon – Sa tekstong prosidyural, ang konklusyon ay nagbibigay ng gabay sa mga mambabasa kung sa paanong paraan nila maisasakatuparang mabuti ang isang prosidyur.

Ang karaniwang pagkakaayos/pagkakabuo ng tekstong prosidyural

  1. Pamagat – ang nagbibigay ng ediya sa mga mambabasa kung anong bagay ang gagawin o isasakatuparan
  2. Seksyon – Ang pagkakabukod ng nilalaman ng prosidyur. Mahalaga ang seksyon upang hindi magkaroon ng kalituhan ang mambabasa.
  3. Sub-heading – Kung mayroon nang seksyon, dapat ito ay binibigyan din ng pamagat na magsasabi kung anong parte iyon ng prosidyur.
  4. Mga larawan o Visuals – Mahalaga ang larawan sapagkat may mga bagay na mahirap ipaintindi gamit lamang ang mga salita.

Mga dapat isaalang sa pagbuo ng tekstong prosidyural

  • Ilarawan ng malinaw ang mga dapat isakatuparan. Magbigay ng detalyadong deskriptyon.
  • Gumamit ng tiyak na wika at mga salita
  • Ilista ang lahat ng gagamitin
  • Ang tekstong prosidyural ay laging nakasulat sa ikatlong panauhan (third person point of view)

Sanggunian:

http://www.literacyideas.com/procedural-texts/

Leave a Reply