Ang Florante at Laura ay isa sa pinagmamalaki ng mga Filipino pagdating sa panitikan. Isa din ito sa pinakadakilang akdang nailimbag sa Pilipinas. Naisulat ito ni Francisco Balagtas noong siya ay nakabilanggo at nasa piitan. Ang kompletong pamagat nito ay “Pinagdaanang Buhay nina Florante at Laura sa Kahariang Albanya” . Una itong nailimbag noong 1838. Ang Florante at Laura ay akdang pampanitikan na nabibilang sa Awit o Koridos.
Buod ng Florante At Laura
Sa isang gubat na madilim at mapanglaw sa may dakong labas ng Albanya, malapit sa ilog Kositong makamandag ang tubig ay may isang lalaking nakagapos sa puno ng higera at kung titingnan ay kahabag-habag dahil sa sinapit nitong masamang kapalaran. Si Florante na ngayon ay puno ng hinagpis at pighati ay ginugunita ang mga alaala nya kay Laura. Mga masasakit na alaala , ang pagtataksil ni Laura, ang pagkasawi ng kanyang amang si Duke Briseo at ang kalunos-lunos na kalagayan ng bayan nyang mahal ang lalong nagpapahirap sa kanya.
Sa hindi sinasadyang pagkakataon, may isang Moro na naglalakad sa gubat. Narinig niya ang isang kaawa-awang tinig at agad pinuntahan ang pinanggagalingan nito. Sa pagdating ng Moro, agad na bumungad ang dalawang mababangis na leon na tila handa nang kainin ang kaawa-awang si Florante. Pinatay ng Moro ang mababangis na hayop na ito at pagkatapos ay kinalag ang taling nakagapos kay Florante. Hindi ito iniwan ng Moro ,sa halip ay inalagaan nya ang kaawa-awang si Florante. Nang lumakas na si Florante ay isinalaysay nito sa Moro ang kanyang buhay mula sa kanyang pagkabata. Isinalaysay nya kung paano siya muntik nang madagit ng isang buwitre,mabuti na lamang ay agad siyang nailigtas ng kanyang pinsan na nagngangalang Menalipo na taga-Epiro ; kung paano kinuha ng isang arkon ang kupidong dyamante mula sa kanyang dibdib. Isinalaysay din ni Florante kung paano siya ipinadala ng kanyang ama na si Duke Briseo sa Atenas upang mag-aral sa ilalim ng kanyang guro na si Antenor ; kung paano siya iniligtas ni Menandro mula sa mga taga ng kaaway niyang si Adolfo noong sila ay nagtatanghal sa isang dula ; kung paano niya nakuha ang isang liham na nagsasaad ng pagkamatay ng kanyang ina na si Prinsesa Floresca. Isinalaysay din niya kung paano siya nagbalik sa Albanya kasama si Menandro ang matalik niyang kaibigan, ang pagpaslang niya kay Heneral Osmalik , ang tagumpay niya sa labing pitong kaharian at ang pagtalo niya sa hukbong Turko ni Miramolin na lumusob sa Albanya. Tinapos niya ang pagsasalaysay sa pagkuha ni Adolfo sa trono ng Albanya at ang pag-agaw sa kanyang minamahal na si Laura hanggang sapitin niya ang masamang kalagayan sa gubat.
Nagpakilala ang Moro bilang si Aladin , isang kaaway na mahigpit ng relihiyon at bayang kinabibilangan ni Florante. Katulad ng malagim na sinapit ni Florante ay inagaw din ng kanyang ama na si Ali-Adab ang pinakamamahal niyang si Flerida kaya nilisan niya ang kanilang kaharian.
Sa hindi kalayuan sa kagubatan ay may narinig si Florante at Aladin na tila pamilyar na boses. Agad nilang tinungo ito upang malaman ang pinanggagalingan ng tinig. Sa hindi inaasahan ay nakita nila sina Laura at Flerida. Tila walang kalagyan ang kanilang kaligayahan dahil muli na nilang namasdan ang kanilang minamahal.
Isinaad ni Laura ang kalunos-lunos na sinapit ng kanilang kaharian at ang pagkamatay ng kanyang ama dahil sa kasamaan ni Adolfo , samantalang si Flerida ay umalis naman ng Persya upang hanapin ang pinakamamahal niyang si Aladin. Sa kanilang paglalakbay ay nakita ni Flerida si Laura na tila balak gahasain ni Adolfo. Iniligtas ni Flerida si Laura gamit ang pana at palaso.
Sina Florante at Laura ay matagumpay na naghari sa Albanya at ang kapayapaan at kasiyahan ay muling nagbalik sa kanilang kaharian. Sina Aladin naman at Flerida, matapos magpabinyag ay naghari sa Persya nang mamatay si Ali-Adab.
Keywords:
Buod ng Florante at Laura,maikling buod ng Florante at laura,buod ng florante at laura grade 8
Thanks to:kapatid ko