Ano ang debate?

You are currently viewing Ano ang debate?

Kahulugan ng Debate

Ang debate ay may estrukturang pagtatalo na kung saan ang dalawang panig o pangkat ay naglalahad ng magkasalungat na ideya o pangangatwiran ukol sa napagkaisahang paksa. Ang kadalasang paksa sa debate ay mga kontrobersyal o napapanahong isyu. Ang panig na sumasang-ayon sa paksa ay tinatawag na proposisyon, samantalang ang oposisyon naman ang panig na sumasalungat. 

Sa isang debate ay maaaring mayroong moderator o tagapamagitan na siyang nagsisilbing gabay sa kaayusan ng daloy ng debate. Ang tagapamagitan ang nakatalaga upang simulan ang pagtatalo, gabayan ang mga kalahok, at tapusin ang debate.Bukod dito, kinakailangan din ng mga hurado upang mapagpasyahan kung sino ang mas nakakahikayat sa dalawang panig. Ang mga hurado ay dapat na hindi bias at walang kinikilingan sa dalawang panig o pangkat.

Isinasagawa ang debate upang maipakita at maipahayag ang iba’t ibang posisyon at argumento ukol sa isang paksa nang sa gayon ay maabot ang konklusyon. Layunin ng debate na makapanghikayat na panigan o paniwalaan ang inihahayag ng kalahok base sa pangangatwiran nito. Sa debate, nalilinang ng kalahok o bawat panig ang kakayahan sa pagsasalita, mag- isip nang mabilis at wasto o may kabuluhan, maging ang paghasa sa kakayahang mangatwiran. Sa isang pormal na debate, ang mga kalahok ay may pantay na oras o pagkakataon upang mailahad ang kanilang pangangatwiran at pagpapabulaan o rebuttal. Upang masigurado na sumusunod sa nakalaang oras ang mga kalahok ay may nakatalagang timekeeper para sa pagtatalo.  

Katangian ng isang mahusay na debater

Paano nga ba maging isang mahusay na debater? Ano-ano ang mga kailangang isaalang-alang ng isang debater upang mahikayat ang mga hurado?

  1. Nilalaman. Isa sa mga unang kailangang isaalang-alang bilang isang debater ay ang pagkakaroon ng kaalaman ukol sa mga paksang pinagtatalunan. Dapat na may sapat na kaalaman hindi lamang sa panig ng debater kundi maging sa pangkabuuang paksang tinatalakay. Upang maipahayag nang maayos ang posisyon ng iyong panig na ipinagtatanggol ay kailangan ng paghahanda para sa debate. Upang magkaroon ng malawak na kaalaman sa mga paksang maaaring pagtalunan ay kailangang ng pananaliksik, pagbabasa, at pangangalap ng datos gayundin ang mga ebidensya ukol sa paksa. Ito ang magbibigay patunay o patotoo sa mga ipapahayag ng debater.
  2. Estilo. Mahalaga sa isang debate kung paano maipapahayag ng debater nang maayos ang kanyang nalalaman sa paksa. Upang maging mahusay na debater ay kailangang piliin ang mga salitang gagamitin sa pagtatalo maging ang pagiging angkop ng mga pangungusap na sasambitin. Ang linaw at lakas ng tinig o pagbigkas, maayos at mahusay na tindig, at kumpiyansa sa sarili ay dapat ding isaalang-alang ng isang debater. Ang paraan ng pagsasalita at nilalaman nito ay dapat na mag-iwan ng pangkalahatang epekto o  impact sa mga hurado upang mas mahikayat sila.
  3. Estratehiya. Kinakailangang makatawag pansin ang ilalatag na argumento o katwiran ng debater. Marapat na mayroong nakahandang plano at mga estratehiya kung paano sasaluhin o sasagutin ang mga argumento. Masusing pag-uusap at pagpaplano ang kinakailangan ng magkakapangkat na nasa isang panig upang matiyak na ang pagpapabulaan ay sumusuporta o umaayon at hindi tataliwas sa mga sasambitin ng bawat isa.

Uri ng debate

May dalawang pangunahing uri o klasipikasyon ang isang debate. Ito ay ang impormal at pormal na debate.

  1. Impormal na debate. Ito ay uri ng debate kung saan ang mga kalahok ay bibigyan ng tagapangulo ng isang paksa na pagtatalunan. Ang mga kalahok ay binibigyan ng maikling oras upang paghandaan ang napag-usapang paksa. Sa debateng ito ang mga nagdedebate ay malayang maghayag ng kanilang kaisipan, palagay at kuro kuro tungkol sa paksa. Pagdating sa panuntunan, kakaunti lamang ang isinasaalang-alang dito.
  2. Pormal na debate. Ang mga kalahok ay masusing pinagtatalunan ang isang paksa. Ang pormal na debate ay isinasagawa sa itinakdang panahon, araw, at oras. Pagdating sa panuntunan, maraming dapat isaalang-alang ang kalahok sa debating ito, tulad ng haba ng diskusyon, wastong paggamit ng mga salita, at tibay ng mga ebidensya.

May iba pang uri o format ng debate. Kabilang dito ang Cambridge at Oxford na paraan ng pagtatalo. Ang mga ito ang kadalasang ginagamit ng mga mag-aaral. 

Debateng Oxford. Sa debateng ito ay magkasama nang ilalahad ng bawat kalahok ang patotoo o Constructive remark at ang kanyang pagpapabulaan o rebuttal sa kanilang pagtindig. 

Debateng Cambridge. Ang uri o format ng debateng ito ay binibigyan ang kalahok ng dalawang pagkakataon upang tumindig at magsalita. Sa unang tindig ay ilalahad ang patotoo o Constructive remark ng kalahok at sa ikalawang tindig naman ay ang pagpapabulaan o rebuttal

Kahalagahan ng Debate

Marahil ay para sa ilang tao, ang debate ay hindi mahalaga. Madalas ay nakikita lamang ang halaga nito sa akademikong larangan. Sa paaralan nalilinang ang iba’t ibang kakayahan tulad na lamang sa lohikal na pangangatwiran, maayos at malinaw na pagpapahayag ng kaalaman, at maging sa kakayahan sa panghihikayat sa pamamagitan ng debate. Ito ay nakakatulong din upang mapahusay ang mapanuri o kritikal na pag-iisip ng isang debater. Ngunit bukod dito ay importante din ito sa ibang aspeto. Ang debate ay makapagbibigay ng kaalaman sa mamamayan tungkol sa napapanahong isyu. Dahil ang kadalasang paksa sa mga debate ay kontrobersyal, naghahatid ito ng impormasyon sa madla na nagpapakita ng dalawang perspektibo tungkol sa isyu. Nagbibigay ito ng ideya kung alin ba ang mas higit o mas tamang ideya para sa mga nakikinig. Halimbawa nito ay sa aspetong politikal. Bago mangyari ang eleksyon ay nagkakaroon ng debate o talakayan sa pagitan ng mga kandidato. Natatalakay dito ang mga napapanahong isyung panlipunan. Sa pamamagitan ng debateng ito ay maipapakita ng mga kandidato ang kanilang adhikain at maging ang plataporma hinggil sa mga isyu. 

Leave a Reply