Kahalagahan ng wika

You are currently viewing Kahalagahan ng wika

Biniyayaan ng diyos ang mga tao ng higit na nakatataas na pag-iisip kumpara sa iba pang nilalang. Kaugnay nito ang kakayahan nating matuto ng sarili nating wika at mapayabong pa ito sa pagdaan ng panahon. Tunay nga namang napakamakapangyarihang elemento ng ating pagkatao ang matuto ng wika. Ang wika ang nagsisilbing pundasyon ng lahat para magkaroon ng kominikasyon sa mga nakapaligid sa atin. Kung wala ito ang mundo ay magkakagulo at ‘di magkakaunawaan. Ang wika ay nagsisilbing sinulid na nagkokonekta sa bawat isa , isang sinulid na hindi maaaring basta maputol kung ating iingatan at pahahalagahan. Hindi lamang sa pang komunikasyon, ang kahalagahan ng wika ay makikita at mapapakinggan mo kahit saan.

Kahalagahan ng Wika sa Pang-araw-araw nating buhay

Tulad nga ng nabanggit sa itaas, mahalaga ang wika sapagkat ito ay ang pangunahing instrumento ng komunikasyon. Mahalaga ito para sa pakikipagtalastasan, kung wala ito, hindi natin magagawang makipag-usap sa ating kapwa. Sa pamamagitan ng wika, malaya nating naipapahayag ang nga ideya na nasa isipan natin at nasasabi ang ating nararamdaman.

Kahalagahan ng Wika sa Pamahalaan

Ang wika ay may malaking ginagampanan sa ating lipunan at pamahalaan. Kung mapapansin mo, ang mga batas ay nakasulat sa papel at ito ay maari nating mabasa. Hindi maipagkakailang kahit Ingles o Filipino pa man ang nakapaloob dito ay ginagawa parin ito sa pamamagitan ng wika. Mahalaga ang wika sapagkat nagiging gabay natin ito at nagbibigay ng kaalaman sa atin kung ano ang tama at mali.

Kahalagahan ng Wika sa Media at Entertainment

Isipin mo na lamang ang isang mundo na walang wika. Isang mundo na puno ng kalungkutan at ‘di pagkakaunawaan. Maaari rin na kung wala ang wika, hindi mauuso ang entertainment at media sa mundo. Isang halimbawa nito ay ang pagbibigay ng impormasyon sa pamamagitan ng balita. Kung ating iisipin malaki ang ambag ng wika sa pagbibigay ng impormasyon dahil nalalaman natin ang mga kaganapan sa ating paligid. Mas malinaw nating nauunawaan ang mga balitang ito dahil sa alam natin ang wikang ginamit. Gaya na lamang kung tayo ay nanonood sa telebisyon. Ipagpalagay na nating pinindot natin ang “mute” , walang salita at tanging aksiyon lamang. Maaaring maunawaan parin natin ito sa pamamagitan ng pagmamasid sa aksiyon ngunit kung idadagdag natin ang wika o mga salita ay mas maiintindihan natin ito at makukuha ang eksaktong mensaheng ipinapahatid ng palabas.

Kahalagahan ng Wika sa Edukasyon

Mahalaga naman ang wika sa edukasyon sapagkat sa pamamagitan ng wika, napapalawak natin ang ating kaalaman. Sa pag-aaral natin ng wikang Ingles at Filipino, mas nalilinang pa natin ang ating angking galing sa pag-intindi at wastong paggamit ng wika. Ang wika rin ang nagsisilbing tulay natin para mas maintindihan ang mga bagay bagay na nababasa at naririnig natin.

Kahalagahan ng wika sa ating bansa at sa mga mamamayan nito

Sabi nga, ang wika ang kaluluwa ng isang bansa. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sariling wika, nagkaka-isa ang mga mamamayan. Sa pamamagitan ng wika ay nagkakaroon ng pagkakaisa ang bawat isa na nagiging daan upang makamit natin ang kaunlaran. Ang wika rin ang nagsisilbing pagkakakilanlan ng isang mamamayan kung saang bansa siya nanggaling. Napaka swerte nating mga Pinoy sapagkat nagkaroon tayo ng sarili nating wika, ang wikang Filipino, na maipagmamalaki natin kahit saang lugar tayo magtungo.

Konklusyon:

Dapat tayong magpasalamat sa Poong Maykapal sapagkat nabiyayaan tayo ng kaalaman na makaintindi ng wika. Sa kabila ng pagkakaiba ng wika sa iba’t ibang bansa, matuto tayong magpahalaga sa wika ng iba. At Bilang isang Pilipino, dapat rin nating pahalagahan ang ating sariling wika at ipagmalaki ito sa buong mundo. Sabi nga ni Gat. Jose Rizal, ang hindi magmahal sa sariling wika ay mas masahol pa sa mabahong isda.

Basahin din: Kahulugan ng wika

This Post Has 4 Comments

  1. Skiey

    I was expecting to see a generalized answer. Something like, the importance of language in all kinds of different aspects, you know. =D anyway, thank you.

    1. Pinoy Newbie

      Thank you for the feedback 🙂

  2. cristina

    it is nice!!!

    1. Pinoy Newbie

      Thank you ❤️

Leave a Reply