Tinatamad ka na rin bang mag-aral? Minsan, natatanong mo rin ba sa sarili mo kung anong silbi o ano ang kahalagahan ng edukasyon sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao? Napaisip ka na rin ba kung paano mo gagamitin ang mga X at Y sa matematika? O bumili ng asin at sabihin sa tindera na pabili po ng “sodium chloride”? O kaya naman pabili po ng “H2O”? Kung oo, alam mo bang hindi lamang ikaw ang ang nakakaranas nito? Marami sa mga estudyante ang tinatamad naring mag-aral at nalilimutan na ang tunay na kahulugan ng edukasyon at kung bakit ito ay mahalaga.
Laging sinasabi ng ating mga magulang na edukasyon lamang ang tanging maipamamana nila sa atin. Sa pangaral na iyon, masasabi nating isa sa pinakamahalagang kayamanan na pwede nating makamtan sa ating buhay ay ang kaalaman, at ang kaalamang iyon ay ating makukuha sa pamamagitan ng edukasyon. Upang mas lumawak pa ang iyong pang-unawa tungkol sa kung ano ang edukasyon, bibigyan natin ito ng kahulugan. Mababasa mo rin sa ibaba ang ilan sa mga kahalagahan nito, hindi lamang para sa ating sarili, kundi pati narin sa ating lipunan, pamahalaan at sa bansa.
Table of Contents
Ano ang Edukasyon?
Sa pangkalahatang kahulugan, ang edukasyon ay ang proseso ng pagbabahagi, pagkuha at pag-iipon ng kaalaman. Ito ay tumutulong sa tao upang mapaunlad ang kanyang kakayahan, pang-unawa at pagkatao. Ito rin ay tumukoy sa pag-aaral ng iba’t-ibang asignatura upang matuto ng iba’t-ibang kasanayan para magamit sa pang-araw-araw na buhay at para sa kinabukasan.
Ang edukasyon ay maaring maganap sa pormal at di-pormal na pamamaraan. Sa pormal na paraan, ang pag-aaral ay nagaganap sa loob ng paaralan. Ang bata na nasa wastong edad ay dadaan sa iba’t-ibang yugto ng pag-aaral simula elementarya patungo sa sekondarya o mataas na paaralan. Pagkatapos niyang makapagtapos ng sekondarya, tutungo naman ang mag-aaral sa kolehiyo, kung saan mad hahasain ang kanyang kakayahan upang maging handa sa kanyang tatahakin karera o propesyon.
Hindi lamang sa paaralan naka-sentro ang edukasyon. Ito ay makikita rin maging sa ating tahanan at kapaligiran. Simula pa man noong tayo ay mga bata pa, tinuturuan na tayo ng ating mga magulang ng mabuting asal. Tinuruan din nila tayo kung paano magsalita, magsulat at magbilang. Patunay lamang ito na sa labas ng paaralan mayroon ding edukasyon.
Ang edukasyon ay hindi laging nabatay sa laman ng libro. Ito ay matatagpuan mismo sa ating mga buhay. Natututo tayo mula sa ating mga ginagawa at mga karanasan. Sa pamamagitan ng ating mga magkakamali, natututo tayong umisip ng mga paraan kung paano natin maiiwasan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari sa hinaharap.
Kahalagahan ng Edukasyon
Mahalaga ang papel ng edukasyon sa bawat indibidwal lalo na sa ating lipunan. Una na sa lahat, ito ay mahalaga sapagkat ito ang magiging pundasyon natin para sa magandang kinabukasan. Sa pag-aaral ng mabuti, marami tayong matututunan na kasanayan, at magagamit natin iyon upang maging sandata sa mga pagsubok na ating kakaharapin. Kapag may kaalaman tayo sa isang bagay, madali na lamang sa atin na mag-isip ng mga makabagong sulosyon na makakatulong upang mabilis na maresolba ang mga problema.
Masasabi na mahalaga ang edukasyon para sa ating sarili. Ito makakatulong sa paghubog ng ating pagkatao at mga kakayahan. Ang edukasyon ay nagtuturo sa atin ng mabuting asal at mga pagpapahalaga. Sa pamamagitan ng edukasyon, natututo tayong maging mas magaling sa mga bagay na gusto nating gawin. Ito rin ay nakapagbibigay ng lakas ng loob at tiwala sa sarili. Aminin man natin o hindi, isa ang edukasyon sa mga kailangan natin upang mabuhay dito sa mundo. Mas maganda ang nagiging buhay ng may pinag-aralan sapagkat mas magaganda ang propesyon na maari nilang makuha. Sa tulong ng edukasyon makakamit natin ang mga pangarap na gusto nating makamtan.
Makikita rin ang kahalagahan ng edukasyon sa ating lipunan. Sa tulong nito, mas nagiging mahusay ang mga tao sa pakikipag-ugnayan. Bunga nito, mas nagkakaroon tayo ng pagkakaunawaan at pagtutulungan ang mga tao upang mapaunlad ang bansa at ang ekonomiya. Mahalaga ang edukasyon sa lipunan sapagkat ang mga gumagawa ng batas ay dapat may kaalaman sa kanilang tungkulin. Kung wala ang edukasyon, maaring ang mga namumuno sa atin ay maging mangmang at makagawa ng mga maling desisyon na makapagdudulot ng kaguluhan.
Konklusyon:
Ang edukasyon ay dapat makamtan ng bawat indibidwal, maging siya man ay mahirap o mayaman. Sa pamamagitan nito, maari nating makamtan ang pinakamahalagang kayamanan, ang kaalaman. Lagi dapat nating isaisip at isabuhay ang kahalagahan ng edukasyon. Hindi dapat natin ituon ang ating sarili sa mga marka na nakukuha natin sa loob ng paaralan. Sa halip, tingnan din natin ang pwede nating matutunan sa ating mga karanasan.
Sana nakalagay kung sino yung author so that I can cite this in my article as well. Hindi kasi applicable na ilagay ko pa yung web link.