Bakit nga ba naisulat ni Rizal ang nobelang Noli Me Tangere? Ang Noli Me Tangere ay isinulat ni Dr. Jose Rizal para maipakita at maipamulat sa mga Pilipino ang mga pang-aabusong ginawa ng mga pari noong panahon ng mga kastila. Ang akdang ito ni Rizal ay nangangahulugang “Touch Me Not” sa Ingles at “Wag Mo akong Salingin” sa Filipino. Ang titulo ng nobelang ito ay repleksyon ni Rizal sa mga pangyayari sa ating lipunan noong panahong nasakop tayo ng mga dayuhan. Para mas lubos na maintindihan ang nobelang ito, narito ang maikling kabuuan o buod ng Noli Me Tangere:
Buod ng Noli Me Tangere
Isang binatang Pilipino ang umuwi sa Pilipinas matapos ang pag-aaral sa Europa ng pitong taon, ang binatang ito ay walang iba kundi si Juan Crisostomo Ibarra.
Sa kanyang pagbabalik ay naghandog si kapitan Tiago ng isang hapunan. Habang nagaganap ang piging na ito ay makalawang hinamak siya ng isang prayleng pransiskano na dati nang naging kura ng San Diego at dating kaibigan ng kanyang ama. Siya ay walang iba kundi si Padre Damaso.
Humingi ng paumanhin si Ibarra at lumisan sa kadahilanang siya ay may mahalaga pang pupuntahan.
Si Maria Clara na katipan ni Crisostomo Ibarra ay isang kaakit-akit na binibini. Para kay Ibarra si Maria Clara ay sumasagisag sa Inang Pilipinas. Ang binibining ito ay anak sa turing ng isa sa mayayaman sa Binundok at makapangyarihan kung ituturing, si kapitan Tiago.
Kinabukasan, matapos maidaos ang hapunang yaon ay dinalaw ni Crisostomo Ibarra ay kanyang iniibig na si Maria Clara. Sa kanilang pagkikita ay sinasariwa nila ang mga ala-ala ng kanilang kamusmusan at ang tunay na pagmamahalan nila kahit sila ay paslit pa lamang. Inilabas ni Ibarra ang tuyong dahon ng sambong na nababalot sa isang papel na may sentimental na halaga. Ang sulat naman na ibinigay ni Ibarra kay Maria Clara bago niya lisanin ang Pilipinas ay binasa ng dalaga.
Bago umuwi si Crisostomo Ibarra ay nailahad ni Tenyente Guevara ang sinapit ng kanyang ama na isang taon nang namayapa. Sinabi niya na nangyari ang lahat ng ito matapos ipagtanggol ang isang bata sa isang kubrador na aksidenteng nabagok ang ulo kaya namatay. Umabot ang kaso sa hukuman at nagsilabasan ang kaaway ni Don Rafael Ibarra. Nang malulutas na ang kaso ay siya namang namatay si don Rafael sa loob ng hukuman. Hindi pa nagpaawat si Padre Damaso.
Ipinahukay niya ang bangkay ni Don Rafael at ipapalipat sana sa libingan ng mga intsik ngunit dahil sa umuulan ng panahong iyon ay tinapon na lamang sa ilog ng bay.
Kaysa maghiganti, si Crisostomo ay ipinagpatuloy ang nasimulan ng kanyang ama. Isinagawa niya ang panukala ng ama tungkol sa pagsusulong ng pagtuturo. Nagpatayo siya ng paaralan sa tulong ni Nol Juan.
Noong babasbasan na ang paaralan ay may batong muntikan nang ikamatay ni Ibarra. Mabuti na lamang at siya ay iniligtas ni Elias. Sa halip na si Ibarra ang mamatay ay ang taong binayaran ng lihim na kaaway niya ang nasawi.
Muli siyang hinamak ni Padre Damaso.
Hindi na napigilan ni Ibarra ang sarili at sasaksakin na niya ang pari ng kutsilyo ngunit siya ay napigilan ni Maria Clara.
Dahil sa pangyayaring iyon ay itiniwalag si Ibarra ng Arsobispo sa Simbahang Katoliko. Ang sitwasyon ay sinamantala ni Padre Damaso. Iniutos niya kay Kapitan Tiago na hindi ituloy ang kasal ni Maria Clara at Ibarra. Sa halip ay ipakasal si Maria Clara kay Linares na isang binatang kadadating pa lang sa Pilipinas.
Napawalang-bisa ang pagiging eskomulgado ni Ibarra at tinanggap muli siya sa simbahan ngunit sa di-inaasahang pagkakataon ay hinuli at ikinulong dahil naparatangan siya na nanguna sa pagsalakay sa kuwartel.
Sa naganap na paglilitis ay napawalang-bisa ang bintang kay Ibarra ngunit sinundan muli ito ng panganyaya dahil sa liham na sinulat niya kay Maria Clara. Kahit walang kaugnayan ito sa kaso ay ginamit ito ng may kapangyarihan upang hamakin ang binata.
Habang ginaganap ang hapunan para sa kasal ni Linares at Maria Clara ay nakatakas si Ibarra sa tulong ni Elias.
Bago tuluyang lumisan ay hiniling muna ni Ibarra na makausap si Maria Clara. Sinumbat niya ang sulat na ginamit sa hukuman ngunit mariin itong itinanggi ni Maria Clara. Sinabi niya na inagaw mula sa kanya ang liham. Kapalit nito ang liham mula sa kanyang ina na nagsasaad na ang tunay niyang ama ay si Padre Damaso. Sinabi pa niya na kaya siya magpapakasal kay Linares ay para sa dangal ng ina, ngunit ang pagmamahal niya para kay Ibarra ay di lilipas at mawawala magpakailanman.
Tinulungan siya ni Elias sa pagtakas ngunit naabutan sila ng palwa ng sibil. Sa pamamagitan ni Elias ay nailigaw niya ang mga tumutugis at nakatakas si Ibarra. Nang makalundag si Elias sa tubig ay pinagbabaril siya.
Sa pagkalat ng balita sa pahayagan na namatay si Ibarra, si Maria Clara ay lubos na namighati. Nakiusap siya na pumasok sa kumbento upang magmongha at walang magawa si padre Damaso dahil kung hindi ito papayag ay magpapatiwakal ang dalaga.
Ang balitang kumalat ay walang katotohanan sapagkat si Crisostomo ay nakaligtas sa tulong ni Elias.
Si Elias na sugatan at halos naghihingalo na ay nakarating sa gubat ng mga Ibarra. Bago siya tuluyang pumanaw ay humarap siya sa Silanganan at nagwika na kung hindi man niya makita ang bukang-liwayway sa sariling bayan, ang makakakita ay batiin ito at huwag kakalimutan ang mga nabulid sa dilim ng gabi at iyon ang huling mga salitang lumabas sa kanyang bibig.