Mga Bahagi at Proseso ng Pananaliksik

You are currently viewing Mga Bahagi at Proseso ng Pananaliksik

Ang pananaliksik ay hindi basta-basta na lamang isinasagawa. Sa gawaing ito, ang mananaliksik ay may sinusunod na sistematikong proseso upang maayos na maisakatuparan ang kanyang pananaliksik. Ang prosesong ito ang magsisilbing plano ng isang mananaliksik sa kung paano niya gagawin ang pangangalap ng datos at paano niya masasagot ang kaniyang mga katanungan. Upang hindi maging magulo ang pagsasagawa ng gawaing ito, dapat may sinusundan siyang mga bahagi at proseso ng pananaliksik.

Sa pagkakaroon ng kaalaman sa proseso ng pananaliksik, ang mananaliksik ay magkakaroon ng sapat na pundasyon at kakayahan sa pagbuo ng makabuluhang pag-aaral. Sa ibaba, iyong mababasa ang pangkalahatang proseso ng pananaliksik na makakatulong sa iyo bilang mag-aaral para makatapos sa iyong research.

Ang Limang Proseso ng Pananaliksik

1.
Pamimili at Pagpapaunlad ng Paksa ng Pananaliksik

Sa pagpili at paglimita ng paksa nagsisimula ang pananaliksik. Sa bahaging ito, humahanap ang mananaliksik ng paksang iikutan ng kanyang pag-aaral. Kapag nakapamili na siya ng paksa ay kanya naman itong lilimitahan sa pamamagitan ng pagtuklas ng mga tanong na magsisilbing gabay sa pagbuo ng makabuluhang pananaliksik.

Hindi lamang sa pagpili ng paksa natatapos ang unang proseso ng pananaliksik, kasama rin dito ang pagpapaunlad ng kaalaman hinggil sa napiling paksa. Mapapaunlad ito ng mananaliksik sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kaugnay na literatura at pag-aaral. Minsan, hindi rin maiiwasan ang pagkakaroon ng sobrang malawak na paksa, at ito ay nagdudulot ng kalituhan sa mananaliksik. Upang maiwasan ang ganoong senaryo, makakatulong ang pagbabasa ng mga kaugnay na literatura at pag-aaral upang makatuklas ng mas ispesipikong anggulo at mapaliit ang saklaw nito.

Ang pagbabasa ng mga artikulo mula sa online journals sa internet at iba pang pananaliksik sa silid aklatan ay lubos na makatutulong sa bahaging ito ng pananaliksik.

Sa antas na ito, handa na ang mananaliksik na isulat ang preliminaryong bahagi ng pananaliksik: Rasyonal at Kaligiran ng Pag-aaral, Paglalahad ng suliranin, Layunin at Kahalagahan ng Pag-aaral, Paglalahad ng Suliranin, Layunin at Kahalagahan ng Pag-aaral, at Rebyu ng Kaugnay na Literatura.

2. Pagdidisenyo ng Pananaliksik

Sa puntong ito, mabibigyang katiyakan na ang daloy ng isinasagawang pananaliksik. Sa antas na ito, kinakailangang natukoy na ng mananaliksik ang suliranin sa kanyang paksa. Dito rin inaakda ng mananaliksik ang teoretikal na gabay ng pananaliksik na resulta ng naunang pagbasa. Pagkatapos, bubuuin naman ng mananaliksik ang konseptwal na balangkas na magpapakita kung gaano kalawak ang saklaw ng pananaliksik at paraan kung paano isasagawa ang pagsusuri.

Kapag natukoy na ang suliranin at lawak ng pananaliksik, maari na niyang itakda ang disenyo ng pag-aaral at kaukulang metodo kung paano ito matatamo. Gayundin, tutukuyin na ang mga kalahok o populasyon ng mananaliksik.

Sa antas na ito, maari na ding iakda ang sumusunod na bahagi ng pananaliksik: Teoretikal na Gabay at Konseptwal na Balangkas, Sakop at Delimitasyon ng Pag-aaral, at Daloy ng Pag-aaral.

3. Pangangalap ng Datos

Sa prosesong ito nagaganap ang produksyon ng bagong datos na magiging batayan ng resulta ng pananaliksik kung kaya’t mahalagang maging masinop, matiyaga, at maging matapat ang mananaliksik. Pagkatapos matukoy ang disenyo at pamamaraan sa naunang bahagi ng pananaliksik, kailangang ihanda na ang mga instrumento o kasangkapang gagamitin upang mangalap ng impormasyon.

Isinasagawa sa bahaging ito ang pakikipanayam, sarbey, obserbasyon, o pagsusuri ng dokumento depende sa nakatakdang pamamaraan ng pag-aaral. Pagkatapos mangalap ng datos mula sa nabanggit na pamamaraan, isasaayos at ihahanda na ng mananaliksik ang datos para sa presentasyon at pagsusuri.

Sa antas na ito, handa na ang mananaliksik na iakda ang Metodolohiya at Pamamaraan ng Pananaliksik.

4. Pagsusuri ng Datos

Sa pang-apat na proseso ng pananaliksik ginagawa ang isa sa pinakaimportanteng tungkulin ng mananaliksik, ang lumikha ng bagong kaalaman. Maisasakatuparan niya iyon sa pamamagitan ng pagsusuri at pagbibigay ng kanyang interpretasyon mula sa mga datos na nakalap.

Sa antas na ito, handa na ang mananaliksik na isulat ang Resulta at Diskusyon. Kasunod nito, pwede na rin niyang isulat ang Lagom, Konklusyon, at Rekomendasyon.

5. Pagbabahagi ng Pananaliksik

Ang huling bahagi sa proseso ng pananaliksik ay ang pagpapalaganap ng impormasyon na naging resulta ng pananaliksik.

Sa pinakahuling antas ng pananaliksik na ito, dapat matiyak ng mananaliksik na maibabahagi niya ang mga mahahalagang konklusyon na nakuha niya mula sa ginawang pagsusuri ng datos. Upang maisakatuparan ang bahaging ito, maari niyang ilathala ang kanyang pananaliksik sa Iba’t-ibang publikasyon gaya ng mga refereed journal (online o hindi), libro, at iba pang uri ng lathalain.

Sanggunian

Leave a Reply