Ang Tekstong Deskriptibo o Deskriptiv

You are currently viewing Ang Tekstong Deskriptibo o Deskriptiv

Ang tekstong deskriptibo ay nagtataglay ng mga kaukulang detalye sa katangian ng isang tao, lugar, bagay, o pangyayari. Ang tekstong ito ay laging sumasagot sa tanong na “Ano“. Sa Tekstong Deskriptibo, kahit hindi ka pintor ay makakabuo ka ng isang larawan gamit ang mga salitang magmamarka sa damdamin at isipan ng mambabasa. Upang mailarawan at mabigyang buhay sa imahinasyon ng mambabasa ang isang tauhan, tagpuan, bagay, galaw o kilos,karaniwang gumagamit ang may akda ng pang-uri at pang abay. Gumagamit din ng manunulat ng iba pang paglalarawan tulad ng panggalan, pandiwa, tayutay, pagwawangis, pagsasatao at iba pa. Ang tekstong deskriptibo ay laging kabahagi ng iba pang uri ng teksto, partikular sa tekstong naratibo.

Dalawang uri ng paglalarawan sa Tekstong Deskriptibo

  • Subhetibo – Nakabatay sa mayamang imahinasyon.
  • Obhetibo – Ito ay may pinagbatayang katotohanan

Cohesive Devices sa Tekstong Deskriptibo

Ito ang ginagamit ng manunulat o naglalarawan upang magkaroon ng mas maayos at mas malinaw na daloy ng kaisipan sa isang teksto. Ang cohesive devices ay kailangan upang mas higit na makita at maunawaan ang kahulugan o kabuluhan ng bawat bahagi ng teksto.

Limang pangunahing Cohesive Device

1. Reperensiya (Reference)

Ang cohesive device na ito ay ang paggamit ng mga salitang maaring tumukoy sa paksang pinag-uusapan.

Dalawang uri ng reperensiya
  • Anapora

Kung kailangang bumalik sa teksto upang malaman kung sino o ano ang tinutukoy.

  • Katapora

Nauna ang panghalip at malalaman lamang kapag ipinagpatuloy ang pagbabasa

2. Subtitusyon

Ito ay ang paggamit ng ibang salita na ipapalit aa halip na maulit ang salita.
Halimbawa:
Sa halip na “Nawala ko ang iyong ballpen. Palitan ko nalang ang iyong ballpen.” ay gagawing “Nawala ko ang iyong ballpen, papalitan ko nalang ng bago.”

3. Ellipsis

Ito ay ang pagbabawas ng ibang parte ng pangungusap pero hindi mababawasan ang diwa at sapagkat makakatulong na ang naunang pahayag upang matukoy ang nais iparating o ipahiwatig.
Halimbawa:
Bumili si Gina ng limang aklat at si Rina nama’y dalwa.

4. Pang-ugnay

Ang paggamit ng pag-ugnay na “at” para pag-ugnayin ang mga pangungusap, parirala o sugnay.

5. Kohesyong Leksikal

Ito ay mabibisang salita na ginagamit sa teksto para magkaroon ito ng koheson.

Dalawang uri ng kohesyong leksikal

A. Reiterasyon
Kapag ang ginagawa o sinasabi ay nauulit ng ilang beses. Ang reiterasyon ay may tatlong uri:
Pag-uulit o repetisyon
Pag-iisa-isa
Pagbibigay-kahulugan
B. Kolokasyon
Mga salitang karaniwang nagagamit nang magkapareha o may kaugnayan aa isa’t isa kaya pag nabangit ang ang isa ay maari din maisip ang isa.
Halimbawa
tatay – nanay
guro – mag-aaral
maliit – malaki

Mga Uri ng tekstong deskriptibo

  • Paglalarawan sa Tauhan

Ang paglalarawan sa tauhan ay ang paglalarawan sa pisikal na anyo at katangian ng bibigyang buhay na tauhan, ngunit hindi sapat na mailarawan lang ang itsura at mga detalye ng tauhan, sa halip dapat maging makatotohanan din ang paglalarawan dito. Halimbawa, hindi sapat na sabihing “Ang aking kaibigan ay maputi, matangkad, at may matangos na ilong”. Bagamat tama ang mga detalye sa paglalarawang ito ay hindi ito magmamarka sa isipan at damdamin ng mambabasa. Ang mga salitang tulad ng maliit, matangkad, maganda, bata, matanda at iba pa ay ang mga halimbawa ng pangkalahatang paglalarawan, kung saan ito ay hindi nakakapagbigay ng mas malinaw o mabisang imahe sa imahinasyon ng mambabasa. Sa paglalarawan ng tauhan dapat mabubuo sa isipan ng mambabasa ang anyo, gayak, amoy, kulay at iba pang mga katangian sa pamamagitan ng paggamit ng pinaka angkop na mga pang-uri. Mahalaga ding mabigyan ng paglalarawan ang mga kilos ng tauhan para mas lalong magmarka sa mambabasa ang mga katangiang taglay niya, halimbawa ay kung paano sya maglakad, tumawa, makipag-usap at iba pa. Ang pinaka mahusay na paglalarawan sa tauhan ay yaong nabubuhay hindi lang sa pahina ng akda kundi sa puso at isipan ng mambabasa. Kahit na ang tauhan ay produkto lamang ng mayamang imahinasyon ng akda, hindi sila basta makakalimutan.

  • Paglalarawan sa Damdamin o Emosyon

Ito ay bahagi rin ng paglalarawan sa tauhan subalit ito ay nakatuon lamang sa damdamin o emosyong taglay ng tauhan. Sa pamamagitan ng paglalarawang ito, madadama ng mambabasa ang mga emosyon ng tauhan.

  • Paglalarawan sa Tagpuan

Ang paglalarawan sa tagpuan ay ang paglalarawan sa tamang lugar at panahon kung saan at kailan naganap ang akda.

  • Paglalarawan sa mahahalagang bagay

Ito ay ang paglalarawan sa isang napaka-halagang bagay sa akda. Sa maraming pagkakataon, sa isang mahalagang bagay umiikot ang mga kaganapan sa akda at ito rin ay nagbibigay ng mas malalim na kahulugan.


Ang tekstong deskriptibo ay maari mo ding magamit sa tekstong persuweysiv, sa pamamagitan ng maayos na paglalarawan ay mas makakahikayat ka ng tao. Nagagamit din ito kapag nagbibigay ka ng paliwanag sa tekstong prosidyural.

This Post Has 7 Comments

  1. Emil

    Salamat po, Malaking tulong para sa aming takdang aralin :))

  2. Paulyn

    Really helpful THANKYOU!!😍💖

    1. Pinoy Newbie

      Welcome po! 😊

  3. Kier

    Thanks A LOT!!!

    1. Pinoy Newbie

      Welcome po 🙂

  4. Glyzel

    Thank you

Leave a Reply