Ano ang Wika?

You are currently viewing Ano ang Wika?

Maraming wika ang umiiral dito sa ating daigdig. Ito ang nagsisilbing tulay ng mga tao tungo sa pagkakaintihan. Sa artikulong ito, hindi lamang natin gagamitin ang wika, sa halip, papalawakin pa natin ang kahulugan nito, at magbibigay ng karagdagang kaalaman tungkol dito. Sana ay may matutunan ka sa iyong pagbabasa!

Ano ang Wika?

                Sa pinakapayak nitong kahulugan, ang wika ay isang sistema ng kumunikasyon na ginagamit ng mga tao. Ito ay koleksyon ng iba’t-ibang simbolo at mga salita na nagpapahayag ng kahulugan. Ito ay nagsisilbing behikulo upang maipahayag natin ang ating mga kaisipan, mga saloobin at nararamdaman. Maaring maihayag ang wika sa pamamagitan ng sulat o pananalita, maituturing din na wika ang kumpas ng kamay o sign language.

                Ang iba pang katawagan sa wika ay “lengguwahe” (Language sa Ingles). Ito ay nagmula sa salitang Latin na “lingua”, literal na nangangahulugang “dila”. Pinaniniwalaang dito nagmula ang salitang ito sapagkat nakagagawa ito ng iba’t ibang kombinasyon ng tunog na nagagamit upang makapaghatid ng damdamin o ekspresyon.

                Tinatayang mayroong humigit kumulang anim na libong wika ang umiiral dito sa mundo. Kaugnay nito, may mga taong pinag-aaralan ang iba’t-ibang wika at kung paano at saan ito nagmula. Ang tawag sa pag-aaral ng wika ay lingguwistika. Tinatawag namang lingguwista ang taong dalubhasa at pinag-aaralan ito.

Ano ang kahulugan ng wika ayon sa iba’t-ibang manunulat at mga eksperto

                Madaming pagpapakahulugan ang wika.  Maraming dalubhasa sa lingguwistika ang nagbibigay ng kanilang pagpapakahulugan sa lengguwahe.  Ang ilan dito ay ang sumusunod:

1. Henry Allan Gleason (1988). Si Henry Gleason ay isang lingguwista at propesor sa Unibersidad ng Toronto. Ayon sa kaniya, ang wika ay binubuo ng mga tunog na sinasalita. Ang mga salitang ito ay isinaayos sa paraang arbitraryo upang magamit ng mga taong kabilang sa lipunan. Ani pa niya, ang ito ay nakabuhol na sa kultura ng mga taong gumagamit nito.

2. Wayne Weiten (2007). Isang dalubhasa sa sikolohiya. Naniniwala siya na ang wika ay binubuo ng iba’t-ibang simbolo na naghahatid ng kahulugan. Binubuo rin ito ng mga patakaran na nagbibigay sa mga simbolo ng walang katapusang mensahe.

3. Bruce A. Goldstei n (2008). Ayon naman kay Goldstein, ang wika ay isang sistema ng pakikipagtalastasan na ginagamitan ng mga tunog at simbolo. Ito ay ginagamit ng mga tao upang masabi ang kanilang nararamdaman, kaisipan, at maging ang kanilang mga karanasan.

4. Alfred North Whitehead. Isang edukator at pisolopong Ingles. Binigyang kahulugan niya ang wika bilang kabuuan ng kaisipan ng lipunang lumikha nito. Ito ay naglalaman ng mga kaugalian at sumasalamin sa pagkatao ng lahing bumuo nito.

5. Dr. Pamela Constantino. Siya ay isang dalubwika mula sa University of the Philippines – Diliman. Binigyang kahulugan niya ang wika bilang isang behikulo upang maipahayag ang nararamdaman ng isang tao. Ayon pa sa kaniya, ang wika ay ginagamit na instrumento sa pagtuturo at pagpapahayag ng katotohanan.

Dalawang Kategorya ng wika

Alam mo ba na nahahati ang wika sa dalawang kategorya? Ito ay ang wikang pormal at ang wikang impormal. Nagkakaiba ang dalawang ito sa tono at paggamit ng mga salita.

Wikang Pormal. Ito ay itituturing na mas angkop at katanggap-tangap na paggamit ng wika sa lipunan. Ito ay karaniwang ginagamit ng mga mag-aaral at propesyonal. Masuri itong binubuo sa pamamagitan ng paggamit ng pinakawastong salita, at pagsunod sa mga panuntunan tulad ng balarila o gramatika. Tinatawag ding impersonal o siyentipiko sapagkat ito ay ginagamit upang maghatid ng mahahalagang impormasyon.  

Wikang Impormal. Ito ang karaniwang ginagamit natin sa araw-araw para makipag-usap sa ating kapwa. Ito ay mas personal kumpara sa wikang pormal. Hindi ito nangangailangan ng mataas na kawastuhan sa gramatika kumpara sa wikang pormal.

Iba’t-ibang Antas ng Wika

Kaugnay ng dalawang kategorya, ang wika ay nahahati rin sa iba’t-ibang antas. Ang mga antas ay nakakategorya sa kung paano ginagamit ng indibidwal ang wika. Ito ay nakabatay sa pagkatao, lipunan, o maging sa sitwasyon ng taong nagbabahagi ng impormasyon.

Pormal

  1. Pambansa – Ito ay karaniwang ginagamit sa paaralan at pamahalaan. Ito ay ginagamit na panturo; ginagamit din ito sa debate sa senado.
  2. Pampanitikan (Panretorika) – Ito naman ay karaniwang ginagamit sa mga akdang pampanitikan tulad ng libro, tula at awit. Ang katangian ng antas na ito ay masining, makulay, at mayroong malalim na pagpapakahulugan.

Di- Pormal

  • Panlalawigan – Ito ay ginagamit ng isang partikular na pook o lalawigan. Nagkakaroon ng wikang panlalawigan sapagkat may mga rehiyon na gumagamit ng sarili nilang dialekto. Maaring magkaroon ng pagkakaiba sa istilo ng paggamit ng lengguwahe ang bawat lalawigan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sariling tono o punto ng pagsasalita, at maging sa mga panghaliling salita na kanilang ginagamit.
  • Salitang Balbal – Tinatawag na slang sa wikang Ingles. Ito ay mga salitang bigla na lamang sumusulpot sa kasalukuyang panahon at karaniwang ginagamit ng kabataan. Ang balbal o salitang kanto ay inimbento ng pangkat ng mga tao na gustong magkaroon ng sariling pagkakakilanlan. Itinuturing itong pinakadinamiko sapagkat napakabilis nitong magbago; maaring ang salitang balbal na uso ngayon ay laos na kinabukasan.
  • Kolokyal – Ito ay hinango sa mga pormal na salita at karaniwang ginagamit sa pang-araw-araw na pakikipagtalastasan. Ang pagpapaiki ng mga salita ay kabilang sa antas na ito.

Sanggunian:

Kaugnay na artikulo: Kahalagahan ng wika

Leave a Reply