Teorya ng Wika: Wika saan ka nga ba nagmula?

You are currently viewing Teorya ng Wika: Wika saan ka nga ba nagmula?

Sa nakaraang artikulo, tinalakay ko ang kahulugan ng wika. Ngayon naman, aking ibabahagi sa inyo ang ilan sa mga teorya ng wika.

Wika, iyan ang dahilan kung bakit tayo’y nagkakaunawaan. Kung wala ang wika, malamang sa malamang ay hindi mo maiintindihan ang artikulong ito, at maaring ang sulating ito ay hindi rin umiirial dito sa daigdig.

Napakaraming kuro-kuro ang kumakalat tungkol sa kung ano nga ba ang pinagmulan ng wika. Ngunit saan nga ba ito nag-ugat? Paano ito nabuo at umusbong? Madami ang naniniwala na nabuo ito sa dahil sa kagustuhan ng Diyos. Madami rin naman ang naniniwala sa mga siyantipikong paliwanag. Sa mga paniniwalang ito nabubuo ang mga teorya.

Ano ang teorya?

Bago ang lahat, ano nga ba ang teorya?

Ang teorya ay grupo ng mga ideya na naglalayong tumuklas at magpaliwanag ng mga bagay o pangyayari sa daigdig. Ito ay nagbibigay ng balangkas o basehan para maipaliwanag ang ating mga naoobserbahan. Ang basehan ng mga ediyang ito ay nagmula sa prediksyon, hula, o palagay ng isang dalubhasa. Samakatuwid, ito ay nangangailan pa ng suporta o mas matibay pang mga ebidensya upang mapatunayan.

Mga Teorya ng Pinagmulan ng Wika

Ngayong alam mo na ang kahulugan ng teorya, halina’t magdako naman tayo sa iba’t-ibang teorya ng wika! Naririto sa ibaba ang ilang teorya na pinaniniwalaan ng mga eksperto:

Teoryang Biblikal

Ang teoryang ito ay nagmula sa banal na kasulatan, ang Bibliya. Sinasabi sa bibliya na noong unang panahon ay iisa lamang ang wika, at ang lahat ng tao ay nagkakaintindihan.  Ang mga tao ay sama-samang naglalakbay hanggang  sa marating nila ang kapatagan sa Shinar. Nagpasya silang doon manirahan at napasyang magtayo ng isang tore na aabot hangang langit. Ninais nilang higitan ang sino man at ninais na maging kapantay ang Diyos. Nagalit ang Diyos at sinira ang nasabing tore na sa kinalaunan ay tinawag na Tore ng Babel. Kaugnay ng pagsira niya sa tore ay nagpasya siyang guluhin ang wika ng mga tao. Dito nag-ugat ang pagkakaroon ng magkakaibang lengguwahe.

Sa teoryang biblikal, pinaniniwalaang nagkaroon ng iba’t-ibang wika ang mga tao bilang kaparusahan sa paghahangad nilang maghari dito sa daigdig.

Teoryang Bow-wow

Ayon sa teoryang bow-wow, nagmula ang wika sa panggagaya ng mga tao sa tunog ng hayop at kalikasan. Naniniwala ang mga dalubhasa na ginagaya ng ating mga ninuno ang tunog ng kalikasan sa kadahilanang kulang pa ang kanilang bukabolaryo upang maipahayag ang kanilang naoobserbahan.  Bukod sa tunog ng kalikasan, naniniwala rin ang mga dalubhasa na nagmula ang wika sa panggagaya ng tao  sa tunog ng hayop tulad ng “Aw aw” ng aso at “meow” ng pusa”.

Teoryang Ding-dong

Sa teoryang ding-dong, sinasabing ang wika raw ay nabuo sa pamamagitan ng panggagaya ng mga tao sa mga tunog ng bagay sa paligid. Ang bawat tunog na naririnig nila sa mga bagay ay binibigyan ng interpretasyon at nagkakaroon ng sarili nitong kahulugan.

Ang ilan sa halimbawa ng teoryang ding-dong ay: Tunog ng tren (tsug-tsug), Tunog ng kampana (kleng, kleng), Putok ng baril (BANG!), Orasan (tik tak tik tak)

Teoryang Pooh-Pooh

Ayon naman sa teoryang pooh-pooh, ang wika ay nabuo dahil sa bugso ng damdamin na hindi sinasadyang maipahayag sa pamamagitan ng bibig. Ito ay maaring dahil ng sobrang sakit, kasiyahan,  kalungkutan, sarap, takot, pagkagulat at iba pa.

Isa sa halimbawa ng teoryang pooh-pooh ay kapag nasaktan– “Aray!, Awts!’

Teoryang Ta-ta

Ang tata ay salitang Pranses na nangangahulugang “paalam”. Sa teoryang ito, pinaniniwalaang ang wika ay nagmula sa kumpas ng kamay ng tao, at sakalaunan ay ginaya ng dila at bibig upang makagawa ng tunog. Halimbawa na lamang ay kapag nagpapaalam, ang ating kamay ay kumakampay pataas at pababa. Kaugnay nito, upang mabigkas ang salitang “tata”, itinataas at ibinababa rin natin ang ating dila.

Teoryang Yoo-He-Yo

Sa teoryang ito, pinaniniwalaang ang wika ay bunga ng pisikal na pwersa ng tao. Ayon sa nagmungkahi ng teoryang ito, kapag ang tao ay nag-eeksert ng pisikal na pwersa, nakakabuo siya ng tunog mula sa bibig. Halimbawa: Pag-ire ng babae kapag nanganganak; kapag tayo ay nagbubuhat ng mabigat; at kapag lumalaban sa karate (Haya!).

Konklusyon tungkol sa teorya ng wika

Sa artikulong ito nabanggit natin ang ilan sa mga teorya ng wika. Kung naguguluhan ka pa rin, naririto ang maikling buod ng talakayan:

  1. Teorya – Ito ay mga ediyang batay sa palagay ng isang dalubhasa na naglalayong magpaliwanag ng bagay o pangyayari.
  2. Teoryang Bow-wow – Ang wika ay nagmula sa hayop kalikasan.
  3. Teoryang Ding-dong – Ang wika ay nagmula sa tunog ng bagay.
  4. Teoryang Pooh-Pooh – Ang wika ay nagmula sa masidhing damdamin.
  5. Teoryang Ta-ta – Ang wika ay nagmula sa kumpas ng kamay.
  6. Teoryang Yoo-He-Yo – Ang wika ay nagmula sa pisikal na pwersa .
  7. Teoryang Biblikal – Nagkaroon ng iba’t-ibang wika dahil sa Tore ng Babel.

Matapos mong mabasa ang ilan sa mga teorya ng pinagmulan ng wika, saan ka lubos na naniniwala? Sa dinami-dami ng teorya, napakahirap malaman kung alin ang totoo. Ngunit alam mo ba ang mahalaga? Ang mahalaga ay nagkaroon ka ng interes sa pinagmulan ng ginagamit mong wika. Isa pa, ang mahalaga ay nagagamit natin ito sa kasalukuyang panahon upang magkaroon ng pagkakaintindihan. Kung ikaw ang tatanungin, may sarili ka bang teorya na maimumungkahe?

Basahin din: Ano ang kahulugan ng wika?

Sanggunian

  • https://simple.wikipedia.org/wiki/Theory
  • https://www.slideshare.net/RainierAmparado/ang-pinagmulan-ng-wika
  • https://www.scribd.com/doc/281312710/Mga-Teorya-Ng-Pinagmulan-Ng-Wika

Leave a Reply