Mahalaga para sa mga mag-aaral na pag-aralan ang heograpiya. Ito ay magdadagdag sa atin ng kaalaman para mas maunawan natin ang ating daigdig. Isa pa, mahalang mapag-aralan natin ito dahil ang daigdig ang ating tahanan. Sa artikulong ito, ating aalamin kung ano ang ibig sabihin ng salitang ito at bibigyan pa natin ito ng mas malawak pang kahulugan.
Table of Contents
Ano ang Heograpiya?
Ang heohrapiya (Geography) ay hinuha sa dalawang salitang Griyego na “gaea” at “graphein”. Ang gaea ay nangangahulugang “lupa/daigdig” at ang ibig sabihin naman ng graphein ay “isulat o ilarawan”. Sa madaling salita, ang heograpiya ay nangangahuluhang “paglalarawan sa daigdig“.
Ang heograpiya ay larangan ng agham kung saan pinag-aaralan ang pisikal na katangian ng daigdig. Nakapaloob dito ang pananaliksik tungkol sa interaksyon ng tao sa kanyang kapaligiran, hugis ng mundo, klima, lupain, lokasyon, likas na yaman at iba pa. Ito ay naglalayong maunawaan ang lokasyon ng mga bagay, mga rason kung bakit doon ito matatagpuan, kung paano ito nalikha o lumitaw, at ano ang mga pagbabago nito sa habang lumilipas ang panahon.
Dagdag pa, ang heograpiya ay malawakang pag-aaral na isinasagawa upang mas maintindihan ang buong kalupaan o daigdig. Ang mga taong nagsasaliksik sa larangang ito ay tinatawag na “Geographer“. Ang trabaho ng Geographer ay magsaliksik tungkol sa panlabas o pisikal na katangian ng mundo at pag-aralan ang mga gawi o kilos mga mamayan na namumuhay dito.
Ngayong alam mo na ang kahulugan ng heograpiya, atin naman tuklasin ang dalawang sangay nito.
Dalawang sangay ng heograpiya
Nahahati sa dalawang sangay ang heograpiya. Ang dalawang sangay na ito ay ang heograpiyang pantao at heograpiyang pisikal.
Ang heograpiyang pantao ay agham panlipunan kung saan pinag-aaralan interaksyon ng mga tao sa kanyang kapaligiran. Tinatalakay sa sangay na ito kung paano binabago ng tao ang kapaligiran at ano ang mga nagiging epekto ng kapaligiran pabalik sa kanya. Sa heograpiyang pantao rin pinag-aaralan ang kasaysayan, populasyon, ekonomiya, politika, kultura at iba pa.
Ang isa pang sangay ng heograpiya ay ang heograpiyang pisikal. Ito ay agham ng kalikasan kung saan sinusuri ang estruktura ng ating daigdig tulad ng disenyo ng atmospera, biyospera, at geospera. Pinag-aaralan din dito ang iba’t-ibang natural na proseso at kaganapan na nangyayari sa loob at labas ng ating mundo. Dito pumapasok ang pag-aaral ng kalupaan, karagatan o ang me katubigan, klima, at iba pang may kinalaman sa pisikal na anyo ng daigdig.
Ang Limang Tema ng Heograpiya
Noong 1984, pinangunahan ng National Council for Geographic Education at ng Association of American ang pagbalangkas ng limang tema ng heograpiya. Binuo ang limang tema ng heograpiya upang mapadali at gawing simple ang pag-aaral dito bilang isang disiplina ng agham panlipunan. Sa tulong ng mga temang ito, mas magiging madali na para sa mga tao na maunawaan ang mundong kanilang ginagalawan.
Ang limang tema ng heograpiya ay ang: interaksyon ng tao sa kapaligiran, lugar, lokasyon, paggalaw, at rehiyon. Para mas lubos na maunawaan, maari mong basahin ang deskripsyon ng bawat tema sa ibaba.
1. Lokasyon – Ito ang kinaroroonan ng mga bagay sa daigdig.
May dalawang paraan sa pagtukoy ng lokasyon. Ito ay ang lokasyong absolute at relatibong lokasyon.
Sa lokasyong absolute, ginagamit ang imaginary lines na makikita sa globo, ang longitude line at latitude line upang matukoy ang kinarorooan ng isang bagay. Samantala, sa relatibong lokasyon, ang batayan para matukoy ang lokasyon ng mga bagay ay ang mga lugar na nasa paligid nito.
2. Lugar – Ito naman ay tumutukoy sa katangiang natatangi lamang sa isang pook. May dalawang paraan din para matukoy ang isang lugar. Una, ang pisikal na katangian ng kinaroroonan katulad na lamang ng: ano ang klima sa isang lugar, mga likas na yaman, at ano-ano ang mga anyong lupa at anyong tubig na maaring matatagpuaan dito. Pangalawa, ang katangian ng mga taong naninirahan sa pook. Katulad ng densisad o dami ng tao, wika, kultura, relihiyon, sistemang polital, mga pinaniniwala at iba pa.
3. Rehiyon – Ang tema ng heograpiya na tumutukoy sa bahagi ng daigdig na pinag-isa ng magkatulad na katangiang pisikal at kultural.
4. Interkasyon ng tao sa kapaligiran – Sa temang ito, pinag-aaralan ang ugnayan ng tao sa kanyang kapaligiran. Tinatalakay dito kung ano ang epekto ng tao sa kanyang paligid at kung paano inaangkop ng sangkatauhan ang kanilang sarili sa mga pagbabagong nagaganap sa kapaligiran.
5. Paggalaw – Pinagtutuunan din sa heograpiya ang paggalaw. Ang paggalaw ay tumutukoy sa paglipat ng mga tao, bagay, o maging mga ediya mula sa pinagmulan nito patungo sa ibang lugar dito sa daigdig.
Binibigyang pansin sa temang ito ng heograpiya ang migrasyon at emigrasyon ng mga tao, pati narin ang pagpapalitan ng mga bagay at produkto.
Kahalagan ng Heograpiya
Alam na natin ang kahulugan ng heograpiya. Ngayon naman, ating aalamin kung bakit mahalaga para sa atin ang pag-aralan ang asignaturang ito. Ano nga ba ang kahalagahan ng heograpiya?
- Nauunawaan natin kung paano nakakaapekto ang pisikal na katangian ng mundo sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Halimbawa na lamang ay malalaman natin ang mga dahilan at lunas sa mga penomenang nangyayari dito sa mundo tulad ng Global Warming at Climate Change.
- Nagkakaroon tayo ng kaalaman tungkol sa koneksyon ng heograpiya sa ating kasaysayan at kung paano naapektuhan ng mga nakaraang pangyayari ang ating kasalukuyan.
- Mahalagang pag-aralan ang heograpiya upang malaman natin ang kultura ng ibang lugar. Sa pamamagitan ng pag-aaral dito, ating mauunawaan kung paano naiimpluwensyahan ng klima at lokasyon ang kaugalian ng ibang tao. Makatatulong din ito upang matanggap natin ang ating pagkakaiba sa iba pang lahi at kultura.
Nagkakaroon tayo kaalaman tungkol sa iba’t-ibang lugar dito sa daigdig. Maiintindihan din natin kung paano nakaapekto ang pag-usbong ng modernong teknolohiya sa Globalisasyon na nagdulot upang maging mas konektado pa ang mga lugar dito sa mundo.
- Nabibigyan tayo ng mas malawak na pananaw tungkol sa kinagisnan nating lipunan. Maaring mas makilala pa natin ang ating sarili bilang isang parte ng lipunan sa pamamagitan ng pag-aaral sa relihiyon, kultura, ekonomiya at politika na nakapaloob sa heograpiya..
- Sa pagkakaroon ng malawak na kaalaman sa paksang ito, magkakaroon pa tayo ng mas malalim na pagpapahalaga sa ating daigdig bilang ating tahanan at pinagkukunan ng likas na yaman.
Nawa’y may naintindihan ka sa artikulo namin tungkol sa heograpiya! Ngayon na alam mo na kung ano ang kahulugan ng heograpiya, kung ano ang limang tema nito, at kung ano ang kahalagahan nito, mas madali na para sa iyo ang intindihin ang mas malalim na talakayan tungkol sa paksang ito. Kung may nais ka pang idagdag o nais baguhin, i-comment mo lamang ito sa ibaba. Salamat!
Sanggunian: