Kung ikaw ay mag-aaral at naatasang gumawa ng isang talumpati tungkol sa kalikasan, para sayo ang blog post na ito. Pwede mo itong gawing basehan sa gagawin mong talumpati!
Magandang umaga sa inyo mga kaibigan! Naririto ako ngayon sa inyong harapan para maghayag ng aking maikling talumpati tungkol sa kalikasan.
Bago ko simulan ang paghahayag ng aking saloobin, atin munang bigyang kahulugan ang kalikasan. Ano nga ba ito? Bakit kailangan pa nating itong pag-usapan? Ang kalikasan, siyam na letra, apat na patnig, isang salita. Napakaganda kung inaalagaan, ngunit kung ito’y masisira, paano na lamang tayo? Alam naman nating lahat na ang kalikasan ang nagsisilbing nating tahanan. Dahil dito, mayroon tayong lugar na matitirahan at mayroon din tayong mapagkukunan ng mga pagkain at iba pang kagamitan upang mabuhay.
Kung inyong napapansin, ang ating kalikasan ay napakaganda, ngunit dahil sa ating pang-aabuso ay unti-unti na itong nasisira. Ang noong luntiang kagubatan ay nakakalbo na dahil sa mga ilegal na gawain at urbanisyason. Ang dating asul na katubigan ay unti-unti nang nagiging itim dahil sa mga basurang itinatapon natin. Atin ding mapapansin ang matinding pagbabago-bago sa klima. Minsan nakakaranas tayo ng matinding tagtuyot. Minsan naman ay sobrang pag-ulan at malalakas na bagyo ang ating nararanasan. Ito ay patunay lamang na ang ating inang kalikasan ay nanganganib na at nagbabaya ng masira.
Ang sabi ng iba ay natural lamang ang mga pangyayaring ito. Natural nga lang ba? O tayo ang isa sa dahilan kung bakit ito nangyayari? Madaming tao ang gahaman at inaabuso ang kalikasan para lamang sa kanilang kapakanan. Halimbawa nalang nito ay ang mga taong walang humpay na sinisira ang mga bundok upang makapagmina. Isa pang halimbawa nito ay ang mga taong nagpuputol ng puno upang gawing materyales ngunit hindi naman nagtatanim ng panibago bilang kapalit. Aminin man natin o hindi, minsan, tayo ay nakakagawa rin ng mga bagay na ikinasisira ng ating kalikasan, tulad ng pagtatapon at pagsusunog ng mga basura kung saan-saan, pagsasayang ng tubig at enerhiya, pagtangkilik sa mga plastik na produkto at madami pang iba.
Ngunit mga kaibigan, wag tayong mawalan ng pag-asa. Madami pa rin naman tayong maaring gawin upang makabawi at maitama ang lahat ng pagkakamaling nagawa natin sa ating kalikasan. Una na rito ang pagkakaroon ng disiplina sa ating sarili kung saan tamang magtapon ng basura. Dapat matuto rin tayong gamitin ang ating pagiging malikhain upang mairecycle ang mga basurang pwede pang magamit. Sana ay matuto rin tayong magtipid sa pagkunsumo ng mga bagay na nanggagaling sa kalikasan.
Bilang kabataan, pwede tayong mamuno sa pangangalaga ng ating kapaligiran. Lagi nating tatandaan na hindi pa huli para magbago, at baguhin ang mundo. Habang may buhay ay may pag-asa. Kaya naman dapat tayo ay magtulungan upang mapaganda pa ang ating mundo upang masaksihan din ng mga susunod pang henerasyon ang ganda ng ating kalikasan.
Maraming salamat sa pakikinig sa aking talumpati!