Sa mabilis na paglawak at pagbabago ng teknolohiya, masasabing ang mundo ay unti unti nang nagiging isang malaking nayon. Mas nagiging malapit na ang bawat tao sa mundo bagamat ang agwat nila ay magkalayo. Marahil narin sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya, mas napapadali na ang ating komunikasyon, transportasyon, at ang pagkakaroon ng interaksyon sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang prosesong ito ay ang tinatawag nating “globalisasyon”. Sa artikulong ito, ating tatalakayin kung ano ang mas malalim na kahulugan ng globalisasyon, at ano ang mga epekto nito sa ating mga tao.
Table of Contents
Ano ang Globalisasyon?
Ang globalisasyon ay ang pang-ekonomiyang proseso na tumutukoy sa integrasyon at interaksyon ng mga tao at organisyason ng iba’t ibang bansa. Sa madaling salita, ang globalisasyon ay ang pagbubuklod ng magkakaibang bansa sa mundo. Sa tulong ng teknolohiya, ang globalisyason ay nagpapabilis ng internasyonal na kalakalan at pamumuhunan. Habang ang paraan o prosesong ito ay umiiral, ang mga tao nagkakaroon ng pandaigdigang palitan ng mga produkto, impormasyon at mga kaugalian. Masasabing umusbong ang globalisasyon sa pamamagitan ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
Ang salitang ito ay tumutukoy din sa integrasyon ng ekonomiks, kultura, politikal, relihiyon at sistemang sosyal ng iba’t ibang lugar na umaabot sa buong mundo. Ang globalisasyon ay nakadepende sa sa mga ginagampanan ng mga tao tulad ng migrasyon, kalakalang panlabas, paglaki o pagliit ng kapital, at integrasyon ng financial market. Sa tulong naman ng globalisasyon, ang pamantayang interes ng pandaigdigang pamilihan ay tumutugma sa mga lokal na presyo, produkto at sahod ng isang bansa.
Ano ang Tatlong Uri ng Globalisasyon at Ano ang Kahulugan nito?
May tatlong anyo/uri ang globalisasyon. Ito ay ang Ekonomiko, Politikal, at Sosyu-kultural. Sa ibaba, makikita mo ang paliwanag ng bawat isa.
Globalisasyong Ekonomiko – ito ay ang anyo ng globalisasyon kung saan nakasentro ang talakayan sa “Ekonomiya”. Tinatalakay dito ang pagpapalitan ng produkto at serbisyo sa pagitan ng iba’t ibang bansa sa daigdig. Mapapansin natin ang mabilis na pagbabago ng kalakalan sa daigdig. Sa paglipas ng siglo, nagsilabasan ang malalaking korporasyon na hindi lamang sa pinanggalingang lugar may operasyon, kundi, tumatakbo rin ang kanilang mga negosyo sa labas ng kanilang bansa.
Globalisasyong Politikal – Ang globalisasyong politikal ay ang mabilis na ugnayan sa pagitan ng magka-ibang bansa. Ito rin ay nangangahulugang pagbubuo ng isang pandaigdigang samahan kung saan nagkakaroon ng sistematikong ugnayan ang mga bansa.
Globalisasyong Sosyo-kultural – Ang globalisasyong sosyo-kultural naman ay tumutukoy sa mabilisang pagpapalaganap ng impormasyon, kultura, kaugalian, at iba na may kinalaman sa interaksyon ng mga tao. Naapektuhan nito ang gawi at nakasanayan ng mga tao sa isang partikular na lugar sapagkat naiimpluwensyahan ang ito ng dayuhang kultura. Karagdagan pa, mas nagiging konektado ang bawat isa dahil sa modernong teknolohiya.
Epekto ng Globalisasyon
Mayroong mabuti at masamang epekto ang integrasyon ng mga bansa sa mundo. Sa ibaba, ating malalaman kung ano nga ba ang maidulot ng Globalisasyon sa iba’t ibang parte ng buhay ng tao.
Mabuting Epekto ng Globalisasyon
Sa Pamahalaan:
- Nagkakaroon ng pagkakaisa ang mga bansa.
- Pagkakaroon ng demokrasya sa mga komunistang bansa
Sa Ekomomiya:
- Nagkakaroon ng malayang kalakalan.
- Mas napapabilis ang kalakan o ang pagpapalitan ng mga produkto at serbisyo.
- Paglaki ng bilang ng export at import sa isang bansa.
- Pakikipagsundo ng mga bansa tunkol sa isyu sa kalikasan.
- Paglaki ng oportunidad para makapagtrabaho.
- Malayang nakapaghahanap ng trabaho ang mga tao.
- Maiiwasan ang Monopoly.
- Pagtaas ng pamumuhunan (investment)
Sa kultura:
- Mas naiintindihan natin ang mundo
- Pagtanggap ng kultura ng iba
Masamang dulot ng Globalisasyon
Sa Pamahalaan:
- Panghihimasok ng ibang bansa sa mga isyu at desisyon ng pamahalan.
- Paglaganap ng terorismo
Sa ekonomiya:
- Pagkakaroon ng environmental issues tulad ng Climate Change, Global Warming at iba pa.
- Kahirapan dulot ng paglaki ng agwat ng mayayaman sa mahihirap
- Paglala ng problema sa ekonomiya ng mga bansang nakakaranas nito.
Sa kultura:
- Pagtangkilik sa kultura ng ibang bansa.
- Paglimot sa mga nakasayang tradisyon.
- Pagkawala ng ugaling nasyonalismo.
Sanggunian:
https://www.slideshare.net/SimYouheng/the-effects-of-globalization1