Simula pa lamang ng pagkaupo ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang presidente ng ating bansa, may adhikain na siyang baguhin ang sistema ng ating gobyerno sa federalismo. Ngunit marami pa sa ating mga kababayan ang wala pang gaanong alam tungkol dito at kung ano nga bang magiging anyo ng federalismo sa ating bansa. Bilang isang Pilipino, nararapat lamang na malaman natin mga pagbabagong maaring mangyari sa sistema ng ating pamahalaan sa hinaharap. Sa artikulong ito, ating tatalakayin kung ano nga ba ang federalismo at ano ang maaring maging mabuti o masamang epekto nito sa ating bansa.
Table of Contents
Ano ang Federalismo?
Ang federalismo ay isang uri ng sistema ng pamahalan na kung saan ang isang bansa ay mahahati sa estado o rehiyon, at ang bawat estado naman ay magkakaron ng kalayaan para magkaroon ng sariling pamahalan. Sa madaling salita, ito ay sistema ng pamahalan kung saan mas naibabahagi ang kapangyarihan, pondo at programa sa pamahalaang panrehiyon at panlokal.
Ayon naman sa Wikipedia, ang federalismo ay isang ideolohiya o kaisipang pampolitika na kung saan ang bawat miyembro ng isang bansa ay nakapaloob sa isang kasunduan na ang bawat estado ay pinamumunuan ng mga gobernador. Sa sistemang ito, nabibigyan ng kapangyarihang ang estado na malayang makapamuno sa kanilang nasasakupan. Dahil dito, nagkakaroon din ang isang estado ng karapatan na makapagpatupad ng sarili nilang mga batas.
Ang Anyo ng Federalismo sa Pilipinas
Sa kasalukuyan, tayo ay nasa isang unitary form of government, kung saan ang kapangrahiyan ay nakatutok lamang sa sentrelisadong pamahalaan. Sa uri ng gobyernong ito, ang lahat ng pondo ng bansa ay napapapunta sa sentralasadong pamahalaan at ipinamamahagi sa iba’t ibang rehiyon batay sa nakatakdang halaga.
Kung sakali mang maaprobahan ang federalismo sa ating bansa, mahahati ang kapangyarihan sa tatlo, ang pamahalaang pambansa (national o federal government), ang pamahalang panrehiyon (regional government) at ang local state government. Ang national o federal government ang bahala sa sandatahang lakas na poprotekta sa buong bansa. Samantala, ang regional government naman ang siyang bahala sa pamumuno ng kanilang rehiyon o estado. Samakatuwid, ang regional government ay may lubos na kontrol sa kung ano sa kanilang pondo para sa pagpapaunlad ng kanilang rehiyon. May kapangyarihan din ito na pagpatupad ng kanilang eksklusibong batas na para lang sa kanilang nasasakupan.
Kung sa ating kasalukuyang gobyerno, ang sangay ng batas ay matatagpuan lamang sa central government, sa federalismo naman ay magkakaroon ng kanya kanyang ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura ang ibang rehiyon.
Dahil pagpapalakas ng pamahalaang pangrehiyon, ano ang mangyayari sa National Government? Mananatili parin ang pambansang pamahalaan ngunit ang ilan sa kapangyarihan nito ay maibabahagi sa ibang rehiyon. Tulad nga nang nasabi sa itaas na ang ibang rehiyon ay magkakaroon ng sariling ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura. Patungkol naman sa mga proyekto at pondo, 20% lamang ng kabuuang pera ang mapupunta sa pambansang pamahalaan at ang 80% naman ay mapupunta lahat sa pamahalaang panrehiyon.
Ano ang posibleng mabuting maidudulot ng Federalismo sa ating bansa lalong lalo na sa mamayang Pilipino?
Kung sakali mang maaprobahan ang federalismo, ano nga ba ang mabuting maidudulot nito sa ating bansa? Ayon sa poster ng DILG, ang pagpatupad ng pederalismo sa bansa ay magdudulot ng:
- Mas epektibong pamamahala sa kadahilanang ang pamahalaan ay mas mailalapit na sa mga mamamayan.
- Mas madaling pagpapatupad ng mga programa sapagkat hindi na kailangang magpaaproba pa sa pambasang pamahalaan.
- Pagbaba ng antas ng kahirapan sa bansa dahil mas madaming pondo ang mapupunta sa pamahalaang panrehiyon.
Maaring maging masamang epekto ng federalismo
Kung may kabutihang maidudulot ang federalismo, meron din naman itong negatibong epekto sa ating bansa kung hindi maipatutupad ng maayos. At ito ang sumusunod:
- Mas yayaman pa ang mayayamang rehiyon ngunit sa kabaglitaran nito ay mas maghihirap pa ang mahihirap na mga rehiyon.
- Maaring magkaroon ng malawakang kahirapan at magkaroon din ng armadong pag-aklas ng mga rehiyon sa ating bansa.
Sana ay may naintindihan ka sa kung ano ang federalismo. Kung may nais kang baguhin o idagdag sa artikulong ito, mag-iwan lang ng puna sa ibaba. Salamat sa pagbabasa! 😊
References