Ang nobela ay isa sa pinakakilalang uri ng panitikan sa buong mundo. Patunay na dito ang mga akda tulad ng Harry Potter ni JK Rowling na nakakuha ng lubos na atensyon sa mga taong mahilig magbasa. Sa blog post na ito, iyong mababasa ang kahulugan, elemento at ilan sa mga halimbawa ng nobela.
Table of Contents
Ano ang Kahulugan ng Nobela?
Ang nobela ay isang akdang pampanitikan na naglalaman ng mahabang kwento na nahahati sa mga kabanata. Ang kathang ito ay karaniwang nabibilang sa katergoryang piksyon, samakatuwid, ito ay karaniwang kathang isip lamang ng manunulat. Naglalaman ito ng dalawa o higit pang mga tauhan, maraming pangyayari at may kaganapan sa iba’t-ibang tagpuan. Binubuo ito ng 60,000 hanggang 200,000 na salita o 300-1,300 pahina. Ang kathang ito ay hindi mababasa sa isang upuan lamang sapagkat mahaba at madami ang mga kaganapan dito.
Dagdag pa, ito rin ay mahabang uri ng akda na naglalahad ng mga karanasan ng pangunahing tauhan na pinag-uugnay ng mahusay na pagkabalangkas ng awtor. Ang mga pangyayari sa akdang ito ay matatagpuan sa mga kabanata. Ang bawat kabanata ay may ginagampanan para mabuo ang kawili-wiling daloy ng kwento sa nobela.
Elemento ng Nobela
Ang nobela ay may siyam na elemento, ito ay ang: tagpuan, tauhan, banghay, pananaw, tema, damdamin, pamamaraan, pananalita at simbolismo.
- Tagpuan – Ito ay ang lugar at panahon kung saan naganap ang mga pangyayari. Kumpara sa iba pang uri ng akdang pampanitikan, ang kwento sa nobela ay hindi naganap sa iisang tagpuan lamang, sa halip ang mga pangyayari ay nagaganap sa iba’t-ibang lugar at panahon.
- Tauhan – Ito ang nagbibigay buhay at ang kumikilos sa akda.
- Banghay – Ito ang pagkakasunud-sunod o daloy ng mga pangyayari.
- Pananaw – Ito ay ang panauhang ginamit ng manunulat (Point of view). Ito ay maaring maging una, pangalawa o pangatlo.
- Una – Kapag ang may akda ay kasali sa kwento
- Pangalawa – Ang may akda ang nakikipag-usap
- Pangatlo – Ito ay batay sa obserbasyon ng may akda
- Tema – Ito ay paksa kung saan umiikot ang istorya ng nobela. Ito ay maaring maging tungkol sa pag-ibig, paghihiganti, digmaan, kabayanihan, kamatayan, at iba pa.
- Damdamin – Ito ang nagbibigay kulay sa mga pangyayari. Ang damdamin ay ang emosyong nais iparating ng awtor sa mga mambabasa.
- Pamamaraan – Ito ay ang istilo na ginamit ng manunulat.
- Pananalita – Diyalogong ginamit sa nobela
- Simbolismo – Ito ay ang mga tao, bagay, hayop at pangyayari na nagpapakita ng mas malalim na kahulugan. Ang magandang halimbawa ng simbolismo sa nobela ay ang pagsusuot ng tauhan ng itim na damit. Ito ay nangangahulugan ng pagluluksa sa tauhang namatay.
Mga halimbawa
Ang mga sumusunod ay halimbawa ng nobela:
- Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal
- El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal
- Ang Huling Timawa ni Servando De los Angeles
- Ang Magpapawid ni Teodoro Virrey
- Ang Mestisa (1920) ni Engracio L. Valmonte
- Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez
- Banaag at Sikat ni Lope K. Santos
- Sugat ng Alaala ni Lázaro Francisco
Sanggunian
Ang mga sumusunod na link ay ang pinagbatayan ng blog post na ito. Kung may nais kang idagdag o baguhin, magkomento lamang sa ibaba.