Ano ang Pagbasa?

You are currently viewing Ano ang Pagbasa?

Halina’t ating alamin ang kahulugan ng pagbasa! Atin ding alamin kung bakit ito mahalaga, paraan kung paano ito gawin at mga proseso na nagaganap dito.

Ano ang Pagbasa?

Ang pagbasa ay sistematikong proseso ng pagkilala at pag-unawa sa mga nakalimbag na titik o simbolo. Sa gawaing ito, ang mensaheng nais iparating ng manunulat ay inuunawa at binibigyan ng interpretasyon ng mga mambabasa. Sa pagbasa, kumukuha tayo ng impormasyon at ng kahulugan mula sa mga sagisag na nakikita ng ating mga mata.

Iba pang Kahulugan

Ito ay matuturing bilang isang tiyak at maayos na pag-uugnay ng mga salita upang makabuo ng isang ediya o kaisapan.

Ang pagbasa ay nagiging tulay upang magkaroon ng komunikasyon ang awtor sa kanyang mga mambabasa at maibigay ang kanyang nais ipahiwatig.

Ayon sa Webster Dictionary, ang pagbasa ay gawain ng isang taong bumabasa ng aklat at iba pang mga sulatin. Ito ay kinakailangan ng pag-unawa sa binabasang aklat o mga sulatin, maging sa nakasulat sa mga bagay.

Ayon naman kay Frank Smith, awtor ng Reading Without Non Sense
(1997), ang pagbabasa ay ang pagtatanong sa nakasulat na teksto, at ang pag-unawa sa teksto ang magsisilbing sagot sa iyong mga tanong.

Kahalagahan ng Pagbasa

Mahalagang matutunan ang kasayahan ng pagbasa. Makakatulong ito upang mahubog ang ating kaalaman at makakuha ng makabagong impormasyon. Ang ilan pa sa kahalagahan ng pagbasa ay ang sumusunod:

  1. Nagdadagdag ng kaalaman – Sa pagbabasa, nakakakuha tayo ng bagong kaalaman. Dagdag pa, nakakatuklas tayo ng mga impormasyon na hindi pa natin alam.
  2. Napapayaman ang kaalaman at napapalawak ang
    talasalitaan
    – Napapaunlad din ng pagbabasa ang ating likas na kaalaman. Nakakatulong ito upang mapalago ang ating bokabularyo, bunga nito, mas gagaling pa tayo sa iba pang kasanayan tulad ng pagsasalita at pagsulat.
  3. Nakararating sa mga pook na hindi pa narating – Naniniwala ka ba na sa pamamagitan ng pagbasa ay maari kang makapaglakbay sa mga lugar na hindi mo pa napupuntahan? Sa tulong ng pagbasa, napagagana nito ang ating malawak imahinasyon at tila ba nailalagay natin ang ating sarili sa lugar kung saan nais tayong dalhin ng may akda.
  4. Nahuhubog ang kaisipan at paninindigan – Sa tulong ng pagbasa, nalalaman natin ang tama at mali. Natututo tayong maging mapanuri at nalalaman natin ang mga dapat ipaglaban.
  5. Nakakukuha ng mga mahahalgang impormasyon – Katulad din ng pagkuha natin ng kaalaman, tayo ay nakakakuha ng mahahalagang impormasyon sa pagbabasa. Ang halimbawa ng mga impormasyong ito ay impormasyon tungkol sa nangyayari sa paligid at mga impormasyon tungkol sa akademiko.
  6. Nakatutulong sa mabibigat na suliranin at damdamin – Hindi lang impormasyon ang pwede nating makuha sa gawaing ito. Maari din itong maghatid sa atin ng aliw sa tuwing tayo ay nalulungkot at may mabigat na nararamdaman. May mga babasahin din na nagbibigay ng hakbang upang makatulong sa pagresolba ng mga problema.
  7. Nagbibigay ng inspirasyon at nakikita ang iba’t ibang
    antas ng buhay at anyo ng daigdig.

Ang Dalawang Paraan ng Pagbasa

Ang dalawang paraan ng pagbabasa ay ang tahimik at malakas na pagbasa.

  1. Tahimik na pagbasa – ito ay paraan ng pagbasa kung saan mata lamang at isipan ang ginamit. Sa paraang ito, hindi kinakailangang bumuka ang bibig. Maituturing itong pansariling pagbabasa at ang layunin nito na maunawaang mabuti ang binabasa.
  2. Malakas na pagbasa – Isinasaalang-alang naman sa paraang ito ang mga tagapakinig. Ginagamitan ito ng bibig para mabigkas ang binabasa.

Proseso ng Pagbasa

Nagbigay si William S. Gary (Ama ng Pagbasa) ng apat na proseso ng pagbasa. Ito ay ang sumusunod:

  1. Ang pagkilala sa akda (Persepsyon)
  2. Ang pag-unawa sa binasa (Komprehensyon)
  3. Ang pag-uugnay ng kaisipan mula sa binasa (Asimilasyon)
  4. Pagbibigay ng reaksyon sa binasa

Pinagkunan

Leave a Reply