Table of Contents
Ano ang Kahulugan ng Maikling Kwento?
Ang maikling kwento ay isang masining na uri ng akdang pampanitikan na naglalaman ng maikling salaysay tungkol sa isang mahalagang kaganapan. Ang kathang ito ay maikli lamang kung kaya’t ang pagbabasa nito ay maaring matapos sa isang upuan o isang impresyon lamang. Ang mga pangyayari sa akdang ito ay karaniwang nagmula sa malikot na imahinasyon ng manunulat, maari ding ito ay nakabatay sa sariling karanasan ng may akda.
Ayon naman kay Edgar Allan Poe, ang kinikilalang Ama ng Maikling Kwento, ito ay isang akdang pampanitikang likha ng guniguni at bungang-isip ng may akda, na maaring hinango sa isang tunay na pangyayari sa buhay.
Elemento ng Maikling Kwento
Ang elemento ng maikling kwento ay may pagkakatulad sa iba pang anyo ng panitikan tulad ng nobela. Ang mga elementong ito ay nagsisilbing sangkap upang makabuo ng madaling unawain at kawili-wiling akda.
Tauhan
Ang tauhan ay hindi mawawala sa isang akda, lalong-lalo na sa maikling kwento. Sila ang kumikilos at nagbibigay buhay sa mga pangyayari. Ang dalawang pangunahing tauhan sa akdang ito ay tinatawag na protagonista at antagonista. Ang protagonista ay ang pangunahing tauhan kung saan nakasentro ang pangyayari, samantalang ang antagonista naman ay ang hadlang upang magtagumpay ang pangunahing tauhan.
Tagpuan
Ito ay paglalarawan kung saang lugar at panahon naganap ang mga pangyayari. Sa pagkuha ng tagpuan ng kwento, dapat isaalang-alang kung saan naganap ang kilos ng tauhan. Maari ding iugnay ang kasaysayan sa pagtuklas ng tagpuan.
Banghay
Ang banghay ay ang ayos o pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa akda.
Ang mga sumusunod ay ang bahagi ng banghay:
- Simula – Bahagi ng banghay kung saan ipinapakilala ang mga tauhan.
- Papataas na aksyon (kasiglahan) – Dito nagaganap ang pagpapakilala o paglalahad ng mga suliranin.
- Kasukdulan – Ito ang pinaka-kapana-panabik at pinaka mataas na bahagi ng kwento.
- Pababang aksyon (kakalasan) – Dito unti unting nabibigyan ng kasagutan ang suliraning nailahad sa kwento.
- Katapusan / Resolusyon / Wakas – Ang wakas ang pinagtapusan ng kwento. Maari itong masaya, malungkot, o nakakapagbukas ng isipan ng mambabasa.
Suliranin
Sa bawat magandang katapusan ng kwento ay may mga pagsubok na nilagpasan ang mga tauhan. Ang suliranin ay ang mga problemang kinakaharap o kahaharapin ng pangunahing tauhan.
Tema
Ito ang kaisipan kung saan umiikot ang maikling kwento.
Panauhan
Ang panauhan ay ang punto-de-bista na ginamit ng may akda sa kwento. Maaring ito ay maging unang panauhan, pangalawang panauhan, at pangatlong panauhan.
Mga bahagi ng Maikling Kwento
May tatlong bahagi ang maikling kwento. Ito ay ang simula, gitna at wakas.
Simula
Ang bahaging ito ay mahalaga sa maikling kwento. Dito nakasalalay ang kawilihan ng mambabasa kung kaya’t dapat ito ay interesado at kapana-panabik. Sa simula matatagpuan ang pagpapakilala ng mga tauhan. Dito rin makikita ang paglalarawan sa mga tauhan at ang pagpapahiwatig ng mga suliraning kanilang kakaharapin sa hinaharap.
Gitna
Sa bahagi namang ito mababasa ang saglit na kasiglahan, tunggalian, at kasukdulan. Sa bahaging ito magtatagpo ang pangunahing tauhan at ang kanyang katunggali — kasiglahan. Dito rin mangyayari ang tunggalian sa pagitan ng mga tauhan — tunggalian. Sa bahagi ring ito bahagyang makakamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kanyang layunin — kasukdulan.
Wakas
Ito ang pinakadulong bahagi ng maikling kwento. Dito matatagpuan ang kakalasan at katapusan. Sa kakalasan, unti-unting bababa ang daloy ng kwento mula sa kapana-panabik na pangyayari sa kasukdulan. Ang katapusan naman ang magsisilbing pinaka-wakas, dito mababasa ang resolusyon sa mga suliranin. Ang katapusan ng maikling kwento ay maaring maging masaya o pagkapanalo, maari din namang kalungkutan o pagkatalo.
Gayunpaman, hindi lahat ng manunulat ay tinatapos ang kanilang akda sa kakalasan at katapusan. Minsan, sinasadya ng ibang manunulat na gawing bitin ang istorya para hayaan ang mga mambabasa na magpasya kung ano ang kahihinatnan ng buong kwento.
Katangian ng Maikling Kwento
Ang mga sumusunod ay katangian ng maikling kwento.
- May iisang impresyon sa mambabasa.
- Ang pangunahing tauhan ay may mahalagang layunin at may suliranin na dapat lutasin.
- Tinatalakay nito ang isang madulang bahagi ng buhay.
- Kakikitaan ng mahahalagang tagpo.
- May mabilis na pagtaas ng kawilihan hanggang sa kasukdulan, na agad sinusundan ng wakas.
- Mas maikli ang kabuuan ng maikling kwento kumpara sa iba pang uri ng panitikan
Iba’t-ibang Uri ng Maikling Kwento
Ang mga sumusunod ay ang iba’t-ibang uri o anyo ng maikling kwento.
Kwento ng tauhan
Ito ay kwento na nakapokus sa pagkakakilanlan ng pangunahing tauhan. Maari nitong talakayin at bigyan ng paglalarawan ang kaugalian, gawi, at maging ang nakaraan ng isang tauhan. Layunin nitong ipaunawa sa mga mambabasa ang kabuuang pagkatao ng mga gumaganap.
Kwento ng katutubong kulay
Ang kwento ng katutubong kulay ay nagbibigay ng paglalarawan ng tiyak na pook o lugar. Binibigyang pansin ng istoryang ito ang kapaligiran kung saan naninirahan ang mga gumaganap, uri ng kanilang pamumuhay, at ang hanapbuhay ng mga tao sa nasabing lugar.
Kwentong bayan
Ang kwentong bayan ay ang mga kwento na nanggaling sa isang partikular na bayan. Ito ay mga kwentong galing pa sa mga nakatatanda at naisalin sa pamamagitan ng bibig. Karaniwan itong nagsasalaysay ng mga tradisyon, kultura at paniniwala ng isang pook o bayan.
Kwento ng pag-ibig
Nakasentro ang kwentong ito sa pag-iibigan ng dalawang pangunahing tauhan.
Kwento ng kababalaghan
Ito ay kwento tungkol sa mga bagay na hindi kapanipaniwala at mahirap maipaliwanag. Karaniwan itong nagpapakita ng misteryo at mga nakakatakot at hindi normal na pangyayari.
Kwento ng katatawanan
Ang kwento ng katatawanan ay naglalayong makapagbigay ng aliw at saya sa mga mambabasa. Masigla at nakaka-aliw ang daloy ng mga pangyayari sa akdang ito.
Kwento ng madulang pangyayari
Naglalaman ito ng mga kapana-panabik na mga kaganapan na nakapagbago sa kapalaran ng pangunahing tauhan.
Kwento ng sikolohiko
Ito ay uri ng maikling kwento na ang layunin ay maipadama at maipaunawa sa isipan ng mga mambabasa ang damdamin ng isang tao. Ito ay bihirang isulat sapagkat may kahirapan ang paglalarawan ng kaisipan.
Mga halimbawa
Narito ang ilan sa mga halimbawa ng maikling kwento. I-click lamang ang mga katabing link upang mabasa mo ang kwento.
- Ang Kaharian ng Kawayan (kwento tungkol sa kalikasan) – Basahin
- Ang Pag-ibig (kwento tungkol sa pag-ibig) – Basahin