Sa artikulong ito ating aalamin kung ano ang ibig sabihin ng salitang Panitikan. Ating ding aalamin ang dalawang uri nito at ang kahalagahan nito sa buhay ng tao.
Table of Contents
Ano ang Kahulugan ng Panitikan?
Sa payak nitong kahulugan, ang panitikan ay ang kahit anong nasusulat na gawa ng tao. Kabilang na dito ang mga libro, nobela, tula at iba pang komposisyong mayroong halaga sa lipunan. Ito ay ginagamit ng mga tao upang magpahayag ng kanilang mga nararamdaman, mga naiisip, mga karanasan, at mga hangarin sa pamamagitan ng pagsulat.
Ang salitang ito ay tinatawag ding literatura (literature). Ito ay nagmula sa salitang Latin na “litera” na nangangahulugang “titik“. Ang salitang Tagalog naman na “panitikan” ayon kay Dr. Jose Villa Panganiban, ay nanggaling sa salitang ugat na “TITIK”, na dinagdagan ng panlaping “pang- at -an”. Samakatuwid, ito ay pinaikling salita na PANG+TITIK+AN. Sa pagtagal ng panahon, ang konseptong ito ay nabago. Kung noon ay ang mga nasusulat lamang na gawa ng tao ang maituturing na literatura, ngayon, kabilang na din dito ang nabibigkas na mga akda (oral literature).
Ang panitikan ay maituturing ding sining na nabuo sa pamamagitan ng grupo ng mga salita. Karamihan sa literatura ay naipapahayag sa pamamagitan ng pagsulat, at ang iba naman ay naipasa sa pamamagitan ng paggamit ng bibig o pagsasalita.
Ang panitikan ay maaring mabuo sa anyong tuluyan (prose) o anyong patula (poetry). Ito din ay maaring maging piksyon (kathang-isip) at di-piksyon (batay sa totoong pangyayari).
Ayon sa pinakabagong depinisyon sa Webster’s New Collegiate Dictionary, ang panitikan ay ang mga sulatin na naglalaman at nagpapakita ng kahusayan sa anyo ng pagpapahayag. Nagpapahayag din ito ng mga ediya ng permanente at pangkalahatang kapakinabangan.
Batay naman sa librong “Pilosopiya ng Literatura” na isinulat ni G. Azarias, ang literatura ay ang pagpapahayag ng nararamdaman ng tao tungkol sa iba’t-ibang bagay dito sa daigdig, tulad ng kanilang pamumuhay, pamahalaan, lipunan, at ugnayan ng kanilang kaluluwa sa dakilang lumikha.
Napakaraming depinisyon ang maiuugnay sa panitikan o literatura. Maaring ito ay nanggaling sa libro o sa ating sarili. Ngunit tatandaan mo, ang pinakamagandang kahulugan ng literatura ay manggagaling sa iyong sarili.
Ano ang Dalawang (2) Uri ng Panitikan?
May dalawang uri o klasipikasyon ang panitikan. Ito ay ang 1.) Patula (Poetry) at 2.) Prosa o tuluyan (Prose). Sa ibaba, mababasa mo din ang iba’t ibang dyanra at akdang pampanitikan na saklaw ng dalawang uri ng panitikan.
Prosa o Tuluyan
Ito ay uri ng panitikan na naglalaman ng mga pangungusap at mga talata. Sa anyong prosa, ang daloy ng pagkakasulat ng mga ediya ay mas natural at tuloy-tuloy. Wala itong sinusunod na bilang ng bigkas at walang sinusunod na tugmaan sa dulo ng mga salita. Dito, mayroong kalayaan ang mga manunulat sa kung ano ang nais nilang isulat. Ang kagandahan at kaayusan nito ay nakadepende sa paraan ng manunulat kung paano niya bubuuin ang pagkakasunud-sunod ng mga detalye.
Akdang pampanitikan sa ilalim ng Prosa
- Nobela – Isang mahabang salaysay na nahahati sa mga kabanata. Ang pagbabasa nito ay inaabot ng ilang basahan para matapos ang buong istorya. Ito ay naglalaman ng madaming tauhan at maaring maganap ang mga pangyayari sa iba’t-ibang tagpuan. Ang nobela ay maaring maging piksyon o di-piksyon.
- Maikling kwento – Isang maikling akda na naglalaman ng kakaunting tauhan kompara sa nobela. Ito ay may iisa lamang na banghay. Ang pagbasa nito ay kayang tapusin sa isang upuan lamang.
- Dula – Akdang itinatanghal sa tanghalan. Ito ay nahahati sa ilang yugto at ang bawat yugto naman ay nahahati sa ilang tagpo. Tinatawag na mandudula o dramaturgo ang mga dalubhasa na sumusulat ng iskrip ng isang dula.
- Alamat – Ang alamat ay kwento tungkol sa pinagmulan ng isang bagay.
- Pabula – Ito ay isang uri ng panitikan na kung saan hayop ang gumaganap bilang tauhan. Ito ay nagbibigay ng magandang aral lalo na sa mga bata.
- Anekdota – Ang anekdota ay isang maikling akda na naglalaman ng nakawiwiling pangyayari sa buhay ng tao. Ang layunin nito ay magbigay ng aral sa mga mambabasa batay sa karanasan ng tauhan sa kwento.
- Sanaysay – Ito ay isang maikling sulatin na nagpapahayag ng opinyon ng manunulat tungkol sa isang paksa.
- Talambuhay (Biography) – Sulatin na tumatalakay sa buhay ng isang tao.
- Balita – Ito ay tala ng mga kaganapan na nagaganap sa lipunan at kapaligiran.
Patula
Ito naman ay uri ng panitikan na may masining na pagpapahayag. Sa paggagawa ng akdang nasa anyong patula, dapat may isinasaalang-alang na sukat, bilang ng bigkas at mga taludtod, at may malikhaing paraan ng paghahatid ng mga mensahe sa mambabasa.
Akdang Pampanitikan sa Ilalim ng Anyong Patula
- Tulang pasalaysay – Nagpapahayag ng mahahalagang pangyayari sa buhay ng tao. Ito ay maaring makatotohanan o kathang-isip lamang.
- Epiko – Ang epiko ay istorya tungkol sa kabayanihan. Ito ay nagpapakita ng ugnayan ng tao at mga diyos.
- Balad – Sa lahat ng tulang pasalaysay, ito ang pinakasimple at pinakamaikli. Ito ay tulang pasalaysay na karaniwang inaawit.
- Tulang Liriko – Ito ay uri ng tula na ginawa upang awitin. Sa kabila nito, itinuturing na ding tulang liriko ang isang tula kapag ito ay nagpapahayag ng nararamdaman at nagpapakita ng emosyon ng isang makata.
- Awiting bayan – Ito ay maikling tula na ginawa upang awitin. Ang tema nito ay karaniwang umiikot sa pagmamahal, desperasyon, kalungkutan, kasiyahan at pag-asa.
- Soneto – Ito ay tula na binubuo ng labing-apat na taludtod.
- Elehiya –
- Oda (Ode) – Ang Oda ay isang tiulang liriko na nagpapahayag ng masidhing damdamim.
- Dalit – Isang kanta na nagpapakita ng pagpupuri sa Panginoon.
- Awit at Korido – Ang awit at korido ay akdang pampanitikan na nasa anyong patula. Ito ay binabasa nang paawit.
- Tulang Pandulaan – Ito ay uri ng tula na ginawa upang itanghal.
- Komedya
- Melodrama
- Trahedya
- Parsa o Saynete (Farce)
Ano ang Kahalagahan ng Panitikan?
Natanong mo na rin ba sa iyong isipan kung bakit ka nagbabasa ng mga libro, nobela, tula, kwento, at iba pang katulad nito? Ano nga ba ang pakinabang nito sa iyong sarili? Sa tanong na iyon, papasok din ang tanong na, gaano nga ba kahalaga ang panitikan sa buhay ng isang tao? Paano ito nakakatulong sa atin? At bakit mahalagang mapag-aralan natin ang panitikan? Napapaisip ka ba sa kung ano ang posibleng kasagutan sa mga tanong na ito? Halina’t atin itong sagutin!
Isa sa kahalagahan ng panitikan ay nalilinang nito ang ating kaisipan at imahinasyon. Sa pagbabasa ng iba’t-ibang akdang pampanitikan, napagyayabong nito ang ating isipan. Nakapagbibigay ito ng impormasyon na makakatulong sa atin upang magkaroon tayo ng kaalaman sa mga bagay-bagay dito sa daigdig.
Nagbibigay tanaw tungo sa ating kasaysayan. Alam mo ba na malaki din ang kontribusyon ng literatura pagdating sa kasaysayan? Sa pamamagitan ng literatura o panitikan, naitatala ng mga manunulat ang mga nangyayari sa kapaligiran. Ang bawat sulating ito ay nagiging parte ng kasaysayan. Pagdating ng panahon, ang mga pangyayaring naganap sa ating kasalukuyan ay matutunghayan ng susunod pang mga henerasyon sa pamamagitan ng panitikan.
Napapanatili ang kultura ng bansa. Higit sa lahat, ang panitikan ay makakatulong sa atin upang mapreserba ang kultura ang ating bansa. Ito ay nagiging kagamitan ng karamihan upang palawakin at paunlarin pa ang ating mga tradisyon. Sa tulong ng panitikan, naipapakita natin sa mundo ang mayamang kultura ng Pilipinas. Halimbawa na lamang nito ay ang mga tula na nagpapakita kultura ng Pilipinas.
Pinagbasehan
- https://pinoypanitik.weebly.com/overvyu.html
- https://www.britannica.com/art/literature
- http://bihirangpanitikangpilipino.blogspot.com/2013/07/types-of-literature.html?m=1
- Featured Image By freepik.com