Hulaan ko, naparito ka upang maggawa ng takdang aralin, o kaya naparito ka upang mangalap ng impormasyon, tama ba? Alam mo ba na ang blog post na ito ay isang uri ng tekstong impormatibo? Sa ibaba, iyong malalaman ang kahulugan at mga uri nito.
Table of Contents
Ano ang kahulugan ng Tekstong Impormatibo?
Ang tekstong impormatibo ay isang uri ng pagpapahayag na ang layunin ay makapagbigay ng impormasyon. Naglalahad ito ng malinaw na paliwanag sa paksang tinatalakay. Sinasagot nito ang mga tanong na ano, kailan, saan, sino at paano. Sa ibang terminolohiya, tinatawag din itong “ekspositori”.
Dahil layunin nitong maghatid ng tiyak na impormasyon, dapat ito ay madaling unawain. Sa pagsulat ng tekstong impormatibo, ang mga manunulat ay gumagamit ng iba’t-ibang pantulong upang magabayan ang mga mambabasa para mas mabilis nilang maunawaan ang impormasyon. Ang ilan sa halimbawa ng mga pantulong ay talaan ng nilalaman, index at glosaryo. Maari ding gumamit ang mga manunulat ng mga larawan, ilustrasyon, kapsyon, graph at talahanayan.
Sa pagbuo ng tekstong impormatibo, mahalagang isaalang-alang ang katumpakan ng nilalaman. Ang mga sumusulat nito ay kinakailangang may sapat na kaalaman sa paksa, kung kaya’t dapat sila ay may mga sangguniang pinagbabasehan. Dagdag pa, ang sanggunian o pinagkukunan nila ng datos ay kailangang mapapagkatiwalaan at may kredibilidad. Makakabuti rin kung ang paksa ay napapanahon sapagkat ito ay maaring makatulong upang maunawaan ng mambabasa ang mga isyu sa lipunan.
Ang ilan sa mga halimbawa ng tekstong impormatibo ay diksyunaryo, encyclopedia, almanac, pamanahong papel o pananaliksik, siyentipikong ulat, at mga balita sa pahayagan.
Iba’t-ibang Uri ng Tekstong Impormatibo
Mayroong iba’t-ibang uri ang tekstong impormatibo batay sa kung ano ang estraktura ng pagkakalahad nito. Ito ay maaring maglahad ng sanhi at bunga, paghahambing, pagbibigay ng depinisyon, at paglilista ng klasipikasyon.
Sanhi at bunga
Uri ng tekstong impormatib na naglalahad ng ugnayan ng mga pangyayari. Nagpapakita ito ng direktang relasyon sa pagitan ng bakit nangyari ang pangyayari (sanhi) at kung ano ang naging resulta nito (bunga). Ito ay nagpapaliwanag sa kung paano nakaapekto ang mga pangyayari sa nakaraan sa mga kaganapan sa kasalukuyan at maging sa hinaharap.
Paghahambing
Ito naman ay nagpapakita ng pagkakaiba o pagkakatulad sa pagitan ng kahit anong bagay, konsepto, at maging pangyayari.
Pagbibigay ng depinisyon
Sa ganitong uri ng tekstong impormatibo, ipinapaliwanag ng manunulat ang kahulugan ng isang salita, terminolohiya, o konsepto.
Paglilista ng Klasipikasyon
Sa tekstong ito, ang malawak na paksa ay hinahati sa iba’t-ibang kategorya upang magkaroon ng sistema ang talakayan. Sa uring ito ng teksto, ang manunulat ay nag-uumpisa sa paglalahad ng kahulugan ng paksa sa pangkalahatan, pagkatapos ay hahatiin ito batay sa uri o klasipikasyon nito.
Sanggunian
- Crizel Sicat-De Laza 2016. Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. Manila, Philippines. REX Book Store
- Feature Image by FreePik.com