Halina’t ating alamin kung ano ang kahulugan ng relihiyon. Atin ding tuklasin ang limang pangunahing relihiyon na sinusundan ng mga tao sa mundo.
Table of Contents
Ano ang Kahulugan ng Relihiyon?
Ang relihiyon ay organisadong koleksyon ng kaugalian, paniniwala at kultura na nag-uugnay sa sangkatauhan sa mga ispiritwal na bagay o pangyayari. Ang mga paniniwalang ito ay karaniwang nakasentro sa tinuturing nilang diyos, o sa nilalang na kinikilala bilang na pinakamataas sa lahat. Ang relihiyon ay isa sa nagiging gabay ng tao sa kanilang moral o kilos. Matuturing din ang relihiyon bilang isang anyo ng pagsamba.
Pangunahing Relihiyon sa Mundo
Sa ibaba, iyong mababasa ang lima sa pinakasikat at may pinakamalaking populasyong relihiyon sa mundo.
Judaismo
Ito ang maituturing na pinakamatandang monoteismong relihiyon sa buong sa daigdig. Ang Judaismo ang relihiyon ng mga Hudyo o mga Israelita. Nagsimula ang relihiyong ito noong nagkaroon ng banal na kasunduan ang Diyos ng Israelita kasama ang propetang si Abraham. Ang mga Hudyo ay naniniwalang ang Diyos ang lumikha ng lahat dito sa daigdig. Naniniwala sila na ang Diyos ay iisa lamang, walang katawan, at dapat sambahin bilang panginoon ng buong sansinukob. Ang banal na aklat ng mga Hudyo ay tinatawag na Tanakh. Nakapaloob sa kasulatang ito ang mga salita at utos ng Diyos, kabilang na rin ang kasaysayan ng mga Hudyo.
Kristiyanismo
Ito ang pinakamalaking relihiyon na umiiral ngayon dito sa ating mundo. Ang bilang ng tagasunod nito ay humigit 1.7 bilyong tao o 33% ng kabuuang populasyon ng ating daigdig. Ang tinuturing na diyos ng relihiyong ito ay si Hesukristo. Ang mga tagasunod nito ay sumusunod sa mga turo at kwento niya sa pamamagitan ng kanilang batayang aklat, ang Bibliya.
Islam
Itinuturing ito bilang pinakabata sa mga pangunahing relihiyon dito sa mundo. Ito ay umusbong noong ika 600 A.D., ang panahon kung kailan ipinahayag ng anghel na si Jibreel (Gabriel) ang propetang magpapahayag ng mensahe ng diyos, si Mohammed.
Trivia: Alam mo ba na ang A.D ay acronym ng salitang latin na "Anno Domini"? Ito ay nangangahulugang "sa taon ng ating Panginoon". Ito ay bilang ng taon kung saan si Hesus ay namuhay sa mundong ito. Ang B.C naman ay nangangahulugang "Before Christ" kung saan iyon ang taon na hindi pa isinisilang si Hesus.
Ang kinikilalang diyos ng relihiyong Islam ay si Allah, salitang Arabo na nangangahulugang “Ang nag-iisang tunay na Diyos”. Ang tawag sa mga tagasunod ng relihiyong ito ay Muslim. Koran (Qur’an) naman ang kanilang banal na aklat. Ang isa pang kasulatan na sinusundan ng mga Muslim ay ang Hadith, isang koleksyon ng mga gawa, kasabihan at karanasan ni Mohammed.
Budismo
Ang Budismo ang pang-apat sa pinakamalaking relihiyon dito sa mundo. Nakatuon ang relihiyong ito sa aral ni Siddhartha Gautama, o kilala bilang “Buddha”. Ang Buddha ay salitang sanskrit na nangangahulugang “Ang isang naliwanagan”.
Nahahati sa dalawang sangay ang Budismo. Ito ay ang Theravada at Mahayana. Ang Theravada ay pinaniniwalaan bilang ang pinakamatandang anyo ng Budismo. Ito ay naglalaman ng mga orihinal na katuruan ng Buddha. Ito rin ay para lamang sa mga monghe. Ang Mahayana naman ay tumutukoy sa binagong bersyon ng katuruan ng Budismo. Ito ay bukas para sa lahat ng tao na nais maging tagasunod ng Budismo.
Hinduismo
Ang Hinduismo ay relihiyong nagmula sa India. Ito ay itinatag ng mga Aryans, isang grupo ng mga taong naninirahan sa India. Marami silang sinasambang diyos, ngunit ang pinakamataas sa lahat ay si Brahman. Si Brahman ay kilala sa tatlo niyang katauhan: Brahma – tagapaglikha, Vishnu – tagapagpanatili, at Shiva – tagapagsira. Ang Veda naman ang kanilang banal na aklat o kasulatan.