Apat na Elemento ng Istrukturang Panlipunan

Ang istrukturang panlipunan ay binubuo ng apat na elemento. Ito ay ang institusyon, social group, status, at gampanin.

Table of Contents

Institusyon

Ang isa sa elemento ng istrukturang panlipunan ay institusyon. Ito ay organisadong sistema ng ugnayan sa pagitan ng mga tao sa lipunan. Sa mga institusyong ito mahuhubog ang katauhan ng isang indibidwal. Ang ilan sa halimbawa ng institusyon ay pamilya, paaralan, simbahan at pamahalaan.

Social Group

Ang social group naman ay tumutukoy sa ugnayan ng dalawa o higit pang tao. Ang mga taong ito ay karaniwang nagtataglay ng magkakatulad na katangian.

May dalawang uri ang social group, ito ay ang primary group at secondary group. Matatawag na primary group ang isang social group kung ang ugnayan na nagaganap sa pagitan ng mga tao ay impormal at maliit lamang. Ang magandang halimbawa ng primary group ay pamilya at kaibigan. Sa kabilang banda, ang secondary group naman ay nagtataglay ng pormal na ugnayan sa isa’t isa. Ang halimbawa ng secondary group ay ugnayan ng mga manggagawa sa kanilang amo at sa kapwa nila manggagawa.

Status


Ang status ay elemento ng istrukturang panlipunan na tumutukoy sa posisyong kinabibilangan ng isang indibidwal sa lipunan. Ito ay nakakaimpluwensya sa kung paano nakikita at nabibigyang deskripsyon ng lipunan ang antas ng pamumuhay ng isang tao.

May dalawang uri ang status: 1). ascribed status 2.) achieved status.

Ang ascribed status ay ang nakatalaga na sa isang indibidwal simula pa lamang nung siya ay ipinanganak. Hindi ito kontrolado sapagkat kinagisnan na lamang niya ito. Ang halimbawa ng ascribed status ay kasarian. Kung ang tao naman ay ipinanganak na mahirap, ito ay maituturing na ring ascribed status.

Samantala, ang achieved status naman ay tumutukoy sa kinahinatnang kapalaran ng indibidwal bunga ng kaniyang mga kilos at pagsusumikap. Ang halimbawa nito ay ang makapagtapos ng pag-aaral, at maging matagumpay sa buhay.

Gampanin (Roles)

Sa loob ng social group, may kanya kanyang posisyon ang bawat indibidwal, at ito ay mayroong kaakibat na tungkulin o gampanin (roles). Ang gampanin ay tumutukoy sa mga responsibilidad na dapat gampanan ng mga tao sa lipunang kanilang ginagalawan. Maaring ang mga gampaning ito ay tumutukoy sa karapatan, obligasyon, at inaasahang kilos ng indibidwal na kaakibat ng kanyang posisyon. Ang gampanin o roles ay nagiging batayan din sa kung paano kikilos ang isang tao.

Leave a Reply