Sanaysay | Kahulugan, Uri, Bahagi, at Mga Elemento

You are currently viewing Sanaysay | Kahulugan, Uri, Bahagi, at Mga Elemento

Kung ikaw ay isang mag-aaral, sigurado akong nakasulat ka na din ng isang sanaysay. Sa komposisyong ito, malaya nating naipapahayag ang ating mga saloobin. Ngayon, atin itong bibigyan ng depinisyon. Sa blog post na ito ating mas aalamin kung ano ang sanaysay. Ano ang kahulugan nito; Dalawang uri ng sanaysay; ano ang iba’t-ibang bahagi nito at; Ano ang mga elemento na bumubuo dito.

Ano ang Sanaysay?

Ang sanaysay ay isang uri ng komposisyon na naglalaman ng mga kuro-kuro o opinyon ng may akda. Ito ay nakatuon lamang sa iisang diwa at pananaw, mayroong tiyak na paksa at laging nakasulat sa anyong prosa. Maaring ito ay isinulat upang magbigay ng impormasyon, manghikayat, o para mailahad ang nais ipabatid at nararamdaman ng manunulat.

Ito ay hinango sa salitang Pranses na “ESSAYER”, na ang kahulugan ay sumubok o tangkilikin.

Ayon kay Francis Bacon, ang sanaysay ay isang kasangkapan na tumutulong upang maipahayag ang maikling komentaryo sa buhay ng tao.

Sa depinisyon ni Alejandro G. Abadilla, isang sikat na Pilipinong manunulat, ang sanaysay ay “Nakasulat na karansan ng isang sanay sa pagsasalaysay.” Ito ay nanggaling sa dalawang salita, “sanay” at “salaysay“. Ito ay nakasulat sa anyo ng panitikang tuluyan na kung saan naipahahayag ng manunulat ang kaniyang matalinong kuro-kuro, damdamin, at reaksyon tungkol sa isang mahalagang isyu o paksa.

Ayon naman sa manunulat na si Paquito Badayos, ito ay naglalahad ng matalinong kuro at makatuwirang paghahanay ng kaisipan. Nabanggit din niya na ito ay naglalahad ng personal na pananaw ng manunulat tungkol sa isang paksa.

Dalawang Uri ng Sanaysay

May dalawang uri ang sanaysay. Ito ay ang pormal at impormal.

  1. Pormal – ito ay sulatin na mayroong seryosong paksa at nilalaman. Ang komposisyong ito ay nililikha upang makapagbahagi ng mahahalagang impormasyon sa mga mambabasa. Bago ito isinulat ng may akda ay dumaan muna ito sa proseso nang maingat na pananaliksik at pagsusuri ng mga datos. Hindi ito nakabatay lamang sa opinyon ng awtor. Sa halip, ito ay nakabase sa maasahan at mapapagkatiwalaang pinagkukunan ng impormasyon. Karaniwang paksa nito ay mga isyu sa lipunan at kung paano ito masusulusyunan.
  2. Impormal – Ito ay uri ng sanaysay kung saan mas naipamamalas ng manunulat ang kanyang katauhan. Sa komposisyong ito, mas malayang naipahahayag ng may akda ang kanyang mga pananaw at saloobin sapagkat hindi na niya kailangang magbase sa iba. Ang pagkakabuo ng mga pangungusap sa komposisyong ito ay tila nakikipag-usap sa mga mambabasa. Ang sulating ito ay nagtataglay din ng mga nakakaaliw at kaakit-akit na nilalaman. Karaniwang paksa ng impormal na sanaysay ay ang mga karanasan ng manunulat at kanyang pananaw sa mga bagay at pangyayari sa paligid.

Tatlong Bahagi ng Sanaysay

Ang sanaysay ay nahahati sa tatlong bahagi. Ito ay ang panimula, katawan, at wakas. Ang bawat bahagi ay naglalaman ng mga ediya na nagbibigay linaw sa tema o paksa.

  1. Panimula – Sa panimula, binibigyan ng pakilala ang paksang tatalakayin. Dapat ito ay malinaw, nakapupukaw ng damdamin at nakatatawag ng pansin sapagkat ito ang unang makikita ng mga mambabasa.
  2. Katawan – Sa bahaging ito matatagpuan ang kabuuang nilalaman ng sanaysay. Nakapaloob dito ang mga kaisipan at mga ideya na may kaugnayan sa paksang tinatalakay. Maari itong sumagot o sumuporta sa mga tanong at ediya na nabanggit sa introduksyon. Sa bahaging ito, dapat maipaliwanag ng maayos ang mga detalye upang lubos na maunawaan ng mga mambabasa ang teksto.
  3. Wakas – Dito nagsasara ang talakayang naganap sa katawan ng sanaysay. Matatagpuan sa bahaging ito ang pangwakas na salita ng may akda. Dito mababasa ang konklusyon ng manunulat tungkol sa nasabing paksa.

Tatlong Elemento ng Sanaysay

Bukod sa tatlo nitong bahagi, ang sanaysay ay binubuo rin ng tatlong elemento, ito ay ang tema at nilalaman, anyo at estruktura, at wika at estilo.

  1. Tema at Nilalaman. Ang tema ay ang kaisipan na siyang iikutan ng nilalaman ng isang sanaynay. Ang tema ay dapay napapanahon at nakakahuha ng interes ng mga mambabasa.
  2. Anyo at estruktura. Sa anyo at estruktura nakapaloob ang tatlong bahagi ng epektibong sanaysay. Ito ay mahalagang sangkap na makakatulong sa may akda at mga mambabasa upang lubos na maunawaan ang daloy ng mga ediya.
  3. Wika at Estilo. Ito ay ang paraan ng pagsulat at wastong paggamit ng wika ng may akda. Higit na epektibo ang isang komposisyon kung ang manunulat ay gumagamit ng mga payak at simpleng pananalita na madaling nauunawaan ng mga mambabasa.

References

Leave a Reply