Ano ang Kahulugan at Kahalagahan ng Pagsulat?

You are currently viewing Ano ang Kahulugan at Kahalagahan ng Pagsulat?

Ang pagsusulat ay isa sa pangunahing gawain ng mga estudyante. Dito naipapahayag ng mga mag-aaral ang kanilang mga naiisip. Sa artikulong ito, ating bibigyan ng kahulugan ang pagsulat at ating aalamin kung bakit ito mahalaga.

Ano ang Pagsulat?

Ang pagsulat ay isang anyo ng komunikasyon kung saan ang kaalaman o mga ediya ng tao ay isinasalin sa pamamagitan ng mga titik at simbolo. Ito ay nagbibigay-daan para maihayag ng mga tao ang kanilang mga saloobin sa pamamagitan ng tekstuwal na pamamaraan.

Ang pagsulat ay isang mental at pisikal na aktibidad na isinasakatuparan para sa iba’t-ibang layunin. Ito ay mental na aktibidad sapagkat pinapairal dito ang kakayahan na ng isang tao na mailabas ang kanyang mga ediya sa pamamagitan ng pagsasatitik sa mga ito. Ito naman ay matuturing na pisikal na aktibidad sapagkat ginagamitan ito ng paggalaw ng kamay.

Iba pang kahulugan ng pagsulat ayon sa mga dalubhasa:

  • Ayon kay Sauco, et al., (1998), ito ay ang paglilipat ng mga nabuong salita sa mga bagay o kasangkapan tulad ng papel. Ito ay naglalayong mailahad ang kaisipan ng mga tao.
  • Ayon naman may Badayos (1999), ang pagsusulat ay isang sistema ng interpersonal na komunikasyon na gumagamit ng mga simbolo. Maaring ito ay maukit o masulat sa makinis na bagay tulad ng papel, tela, maging sa malapad at makapal na tipak ng bato.
  • Batay kay Rivers (1975), ang pagsulat ay isang proseso na mahirap unawain (complex). Ang prosesong ito ay nag-uumpisa sa sa pagkuha ng kasanayan, hanggang sa ang kasanayan na ito ay aktwal nang nagagamit.

Kahalagahan ng Pagsulat

Mahalagang mapag-aralan ang pagsulat. Ang kasanayan na ito ay makakatulong sa pang-araw-araw na buhay lalo na sa pakikipagkomunikasyon.

Alinsunod dito, nagbigay si Arrogante (2000) ng apat na kahalagahan ng pagsulat. Ito ay ang kahalagahang panterapyutika, pansosyal, pang-ekonomiya at pangkasaysayan.

  1.  Kahalagahang Panterapyutika
    Mahalaga ang pagsulat sapagkat nagiging daan ito upang maihayag ng indibidwal ang kanyang mga saloobin. Sa pamamagitan ng pagsulat, ang hindi natin masabi sa bibig ay naibabahagi natin ng maayos sa iba. Nakakatulong ito sa ibang tao sapagkat ito ang kanilang ginagawang paraan upang naiibsan at mailabas ang mabigat nilang nararamdaman.
  2. Kahalagahang pansosyal
    Likas na sa ating mga tao ang pakikihalubilo at pakikipagpalitan ng impormasyon sa ating kapwa. Mahalaga ang ginagampanan ng mga sulatin sa ating lipunan. Nakakatulong ito upang magkaroon ng interaksyon ang mga tao kahit na malayo ang kanilang mga kausap. Halimbawa na lamang nito ay ang pagpapadala natin ng mga sulat sa mga mahal natin na buhay na nasa ibang bansa. Sa modernong panahon, ang pagsulat ay nahaluan na ng teknolohiya kung kaya’t mas napabilis at napadali pa ang ating komunikasyon. Nakakatulong din ang pagsulat upang makapagpalaganap ng impormasyon tungkol sa nangyayari sa kapaligiran tulad ng pagbabalita gamit ang mga dyaryo at gamit ang social media.
  3. Kahalagahang pang-ekonomiya
    Alam mo ba na nakakatulong din ang pagsusulat sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa? Ang pagsulat ay maari ding ituring bilang isang propesyonal na gawain. Sa pagkakaroon ng mataas na kaalaman at kasanayan sa pagsulat, nagagamit ito ng isang indibidwal upang matanggap sa mga trabaho. Maraming pwedeng pasuking propesyon ang mga manunulat tulad ng pagiging journalist, script writer sa mga pelikula, pagsulat sa mga kompanya at iba pa na na maaring makatulong upang magkaroon ng kita.
  4. Kahalagahang Pangkasaysayan
    Isa sa mga paraan upang mapangalagaan ang kasaysayan ay ang pagtatala at pagdodokumento dito. Ang mga nailimbag na mga libro at mga naisulat na balita sa kasalukuyang panahon ay maaring magamit na reperensiya sa hinaharap.

Pinagbatayan

Leave a Reply