Hindi maitatangging ang Pilipinas ay mayaman din sa mga mitolohiya o kwento tungkol sa pakikipagsapalaran at ugnayan ng diyos at mga tao. Mababasa mo sa ibaba ang buod ng “Nagkaroon ng Anak sina Wigan at Bugan”, isang mito na nagmula sa Ifugao.
Kabuuan ng “Nagkaroon ng Anak sina Wigan at Bugan”
May mag-asawang nagngangalang Wigan at Bugan. Sa kasamaang palad ang mag-asawa ay hindi magkaroon ng anak.
Masusi nilang pinag-isipan kung anong mga paraan ang maaari nilang gawin upang sila ay magkaanak. Ilang saglit pa ay napagdesisyonan ni Bugan na magtungo sa tahanan ng mga Diyos sa Silangan na sina Ngilin, Bumakker, Bolang at ang diyos ng mga hayop.
Sa pagsisimula ng kanyang paglalakbay ay may nakita siyang igat sa lawa. Tinanong siya ng igat kung saan tutungo at sinabi ni Bugan na naghahanap siya ng lalamon sa kanya dahil hindi sila magkaroon ng anak ni Wigan. Tumawa na lamang ang igat at sinabing magpatuloy sa paglalakbay patungo sa mga Diyos sa silangan.
Sa pagpapatuloy niya sa kanyang paglalakbay ay nakita niya ang isang buwaya sa lawa sa Lagud. Tinanong siya ng buwaya kung sino siya. Sinabi niyang siya at si Bugan at naghahanap siya ng lalamon sa kanya dahil hindi sila magkaroon ng anak ng kanyang asawa. Sinabi ng buwaya na hindi niya maaaring lamunin si Bugan sapagkat napakaganda nito.
Nagpatuloy si Bugan sa paglalakbay at nakilala ang isang pating. Nakiusap si Bugan na kung maaari ay kainin siya ng pating sapagkat walang saysay ang kanyang buhay kung hindi siya magkakaroon ng anak. Winika ng pating na hindi niya maaaring kainin si Bugan sapagkat isang kahihiyan ang kainin ang napakagandang si Bugan. Sa halip ay inalok siya nito na kumain.
Matapos kumain ni Bugan kasabay ng pating ay nagpatuloy na ito sa paglalakbay.
Sa wakas ay narating ni Bugan ang tahanan nina Bumabbaker, Ngilin at iba pang diyos. Hinintay niya ang mga Diyos at humiga sa lusong sa labas ng bahay.
Nakaamoy si Bumabbaker ng isang tao. Lumabas siya at nakita si Bugan. Malugod siyang tinanggap ng Diyos at hinanap ang iba pang kasamahan.
Nalugod din ang ibang mga Diyos na makita si Bugan at nagbigay ng mga regalo tulad ng manok, baboy at kalabaw. Sinamahan pa nila ito upang makabalik sa Kiyangan.
Tinuruan ng mga Diyos ang mag-asawang Bugan at Wigan ng isang ritwal na tinatawag na Bu-ad upang magkaroon sila magandang ani , pamumuhay at anak.
Isinagawa nila ang sinabing ritwal at nagpasalamat sa mga Diyos sa mga tulong nakanilang naibigay. Matapos ang ilang buwan ay biniyayaan sila ng anak at ang kasiyahan nilang mag-asawa ay tila walang mapagsidlan . Ang matagal na nilang kahilingan ay nagkaroon na ng katuparan.
Pinagbatayan :