Mahal mo? Opo, mahal ko ang bayan ko yieee. Alam natin na dapat pahalagahan at mahalin ang ating bayan. Responsibilidad natin ito bilang isang mamamayan na naninirahan dito. Ang ugaling ito ay tinatawag na pagpapairal ng nasyonalismo. Pero, ano nga ba ang nasyonalismo? Ano ang ilan sa mga halimbawa nito? Atin ding alamin ang pagkakaiba nito sa salitang Patriotismo.
Table of Contents
Ano ang Kahulugan ng Nasyonalismo?
Ang nasyonalismo ay isang ideyolohiya na nagpapakita ng maalab na pagmamahal ng mga tao sa sarili nilang bansa. Ito ay nagpapakita ng matinding debosyon at katapatan ng mga indibidwal sa kanilang bayan, lalo’t higit sa pagpapanatili ng kultura at mga tradisyon nito. Sa madaling salita, ang nasyonalismo ay tumutukoy sa katangian ng pagiging makabansa o makabayan. Ang konseptong ito ay tumutukoy din sa kagustuhan ng mga mamamayan na makalaya mula sa impluwensya ng mga bansang nanghihimasok sa mga desisyon ng gobyerno. Sa pagiging malaya mula sa ibang bansa, mas nagkakaroon ng kontrol at boses ang mga mamamayan sa pamahalaan.
Ano ang Pagkakaiba ng Nasyonalismo at Patriotismo?
Ang isang salita na naiuugnay sa nasyonalismo ay ang salitang patriotismo. Ang dalawang salitang ito ay nagdudulot din ang pagkalito sa ibang tao. Bagamat nagkakahawig ito ng kahulugan na “pagmamahal sa bayan”, ito ay nagpapakita pa din ng lubos na pagkakaiba. Magkaiba ang dalawang ito sapagkat ang nasyonalismo ay tumutukoy sa nag-aalab na damdamin ng isang tao para sa kanyang bayan, na maaring magdulot ng pakiramdam na ang bansa o lahi niya ay nakahihigit sa iba pang bansa. Samantalang ang patriotismo ay isang paghanga at pagtangkilik ng isang indibidwal sa kaniyang bayan at mga pinahahalagahan nito, ito naman ay nagdudulot sa ng pakiramdam ng pagkagiliw. Sa mas simpleng eksplinasyon, ang nasyonalismo ay maituturing na mataas at agresibong anyo ng patriotismo.
Layunin, Kahalagahan at Epekto ng Nasyonalismo
Ang pinaka layunin ng nasyonalismo ay magkaroon ng pamahalaan na hindi nakadepende at hindi kayang pakialaman ng ibang bansa. Isinusulong ito upang maiangat ang kapakanan ng mga mamamayan na naninirahan sa loob ng bansa. Pinapairal ito sa ibang bansa tulad ng pagpapatupad ni Donald Trump ng Americas first policy upang hindi matapakan ang karapatan ng mga mamamayan sa kanyang nasasakupan.
Kung tutuusin maganda ang Nasyonalismo sa isang bansa sapagkat napapaunlad at nabubuhay nito ang kanilang kultura. Ngunit sa kabila nito, may masama pa rin itong epekto. Tulad ng nabanggit sa itaas, ang pagpapairal ng nasyonalismo ay nagbibigay ng pakiramdam na mas nakahihigit ang lahi ng isa kumpara sa iba pang lahi. At minsan, nagreresulta ito ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga bansa.
Halimbawa ng Nasyonalismo sa Pilipinas
Narito ang ilan sa mga halimbawa ng nasyonalismo. Ang mga halimbawang mababasa mo ay nagpapakita ng pagiging makabayan at pagkakaroon ng pagmamahal sa sarili nating bansa.
- Paggalang sa watawat. Ito ang isa sa pinakamahalagang dapat taglayin ng isang makabayan. Dapat nating alalahanin na maraming bayani ang nagbuwis ng buhay para lamang maitaas ang ating bandila. Maipapakita natin ang paggalang sa watawat sa pamamagitan ng pag-awit ng wasto sa pambansang awit (Lupang hinirang), at pagtayo ng ayos sa tuwing may Flag ceremony.
- Pagtangkilik sa sariling produkto. Dapat din nating tangkilikin ang sarili nating produkto kaysa produkto ng ibang bansa. Sa pamamagitan nito, mas maiaangat pa natin ang ating ekonomiya.
- Pagpapanatili ng ating kultura at mga tradisyon. Tunay na makulay ang kultura ng Pilipinas. Bilang isang Filipino, responsibilidad nating alagaan at pahalagahan ang ating mayamang kultura laban sa banta ng globalisasyon upang masaksihan pa ito ng susunod pang mga henerasyon.
- Paghubog at paggamit ng sarili nating wika. Dahil naninirahan tayo sa bansang Pilipinas, obligasyon din nating gamitin, palaganapin at hubugin ang sarili nating wika sapagkat ito ang isa sa nagsisilbi nating pagkakakilanlan.
- Pagbibigay ng parangal sa ating bansa. Sa pagbibigay ng suporta sa mga Atleta at mga kalahok na nanggaling dito sa ating bansa, makakatulong tayo upang ibangon ang karangalan ng ating bayan. Ang mga kampyon na nanggaling dito sa atin ay nagpapakita na ang mga Pilipino ay may likas na galing at handa sa ano mang kompetisyon o paligsahan.
Mga sanggunian
- https://ourhappyschool.com/Nasyonalismo%20at%20Patriotismo%3A%20Ang%20Pagkakaiba
- https://en.m.wikipedia.org/wiki/Nationalism
- Photo: https://www.pexels.com/photo/philippine-flag-902288/