Ano ang Industriya?

You are currently viewing Ano ang Industriya?

Malaki ang ginagampanan ng industriya sa ating mga mamamayan at sa ekonomiya ng bansa. Ito ang nagsusuplay sa atin ng mga kapaki-pakinabang na mga produkto. Ang tanong, ano nga ba ang kahulugan ng salitang ito? Halina’t ating alamin ang kahulugan ng industriya! Tuklasin ang apat na sektor nito at kung bakit ito mahalaga.

Ano ang Kahulugan ng Industriya?

Ang industriya ay sektor ng ekonomiya na nagpoproseso ng mga hilaw na materyales upang makagawa ng bagong produkto. Nakakabuo ng bagong produkto ang sektor na ito sa pamamagitan ng lakas-paggawa at aplikasyon ng teknolohiya o makinarya.

Hindi lamang produkto ang maaring makuha mula sa sektor na ito. Nagbibigay din ito ng serbisyo para sa mga mamamayan. Sa tulong ng mga serbisyong naibibigay nito, napapagaan ang buhay ng bawat indibidwal sa lipunan.

Apat na Sektor ng Industriya

Pagmimina

Ang pagmimina ay proseso ng paghuhukay at pagkuha ng mga yamang mineral mula sa lupa. Ang yamang mineral na ito ay maaring ipagbenta sa mga labas na bansa upang mapagkunan ng kita. Maari din itong i-proseso upang isama sa paggagawa ng mga kasangkapan at makagawa ng bagong produkto. Ang mga yamang mineral na maaring makuha sa kalupaan ay tanso, ginto, at pilak. Dito rin nanggaling ang uling, langis at gas. Ang mga tao na sangkot sa gawaing ito ay tinatawag na minero.

Pagmamanupaktura

Ang pagmamanupaktura naman ay ang proseso ng pagbabago ng hilaw na materyales para gawing yaring produkto. Sa sektor na ito ng industriya, ang hilaw na materyales ay sumasailalim sa pisikal o kemikal na transpormasyon. Ito ay isinasagawa ng manwal na lakas-paggawa o ginagamitan ng makinarya para mapadali ang gawain.

Konstruksyon

Ito ang sektor ng industriya na nakapokus sa pagpapagawa ng mga malalaking gusali at imprastraktura. Ang mga tao na karaniwang kumikilos sa sektor na ito ay ang mga inhenyero, arkitekto, at mga trabahador sa konstruksyon. Malaki ang naiambag ng konstruksyon sa buhay ng tao at sa lipunan. Ang mga naglalakihang gusali tulad ng paaralan at hospital ay bunga ng hirap ng mga manggagawa sa konstruksyon. Sila din ang naghirap gumawa ng iba’t-ibang imprastraktura tulad ng tulay at kalsada upang mapadali ang paglalakbay ng mga tao.

Ang gawaing ito ay maituturing na mahirap at komplikado sapagkat nangangailangan ito ng malaking badyet, maingat at planadong paggawa, at madaming oras.

Utilities/Serbisyo

Ang utilities at serbisyo ay nakasentro sa paglilingkod. Ang layunin nito ay matugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan. Ito ay naglalayon ding padaliin ang buhay ng bawat indibidwal na kabilang sa lipunan. Ang halimbawa ng mga serbisyong binibigay ng pamahalaan at mga pribadong kompanya sa mamamayan ay edukasyon at transportasyon.
Nakapaloob din sa sektor na ito ang pagbibigay ng mga serbisyo tulad ng tubig, kuryente at gas.

Kahalagahan ng Industriya

Nagbibigay ng trabaho. Tunay nga namang napakalawak ng sektor ng industriya. Ang industriya ay isa sa pinakamalaking pinagkukunan ng trabaho ng mga Pilipino. Marami itong naibibigay na oportunidad sa libo-libong tao. Isipin mo na lamang ang bilang ng mga Pilipinong manggagawa na naiangat ang kanilang buhay mula sa kahirapan sa tulong ng industriya.

Ang sektor na ito ay madaming naipagkakaloob na trabaho. Ang ilan sa mga ito ay pagmimina, pagiging construction worker, pagiging manggagawa sa pabrika at madami pang iba. Dito rin matatagpuan ang magagandang propesyon tulad ng mga inhenyero na nangangasiwa sa konstruksyon.

Nagsusuplay ng yaring produkto. Kung sa agrikultura nagmumula ang hilaw na materyales, ang industriya naman ang nagpoproseso nito upang maging ganap na yaring produkto. Sila ang nagsusuplay sa pamilihan ng mga produkto na makakatulong sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga produktong nanggaling dito ay maari ding maghatid ng kasiyahan sa mga konsumer na bumili nito. Ang halimbawa ng yaring produkto na nagmula sa industriya ay mga damit, alahas at aplayanses.

Nagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa. Ang industriya ang patuloy na nagpapalago ng ekonomiya. Sa lawak ng sakop nito, hindi maitatangging malaki din ang kita na maaring makuha mula dito. Sa bilang pa lamang ng trabahong maaring makamit sa sektor na ito, masasabi natin na ito talaga ang pag-asa ng mahihirap na bansa. Madami din itong nagagawang produkto na naibebenta at naiiluwas patungo sa ibang bansa, na napagkukunan ng kitang panlabas. Sa patuloy na paglago ng sektor ng industriya, ang mga gusali at imprastraktura ay napagaganda, at nagreresulta ito ng madaming oportunidad, tulad na lamang ng pagdami ng mga dayuhang namumuhunan na nagiging interesado pumasok at magtayo ng negosyo sa bansa.

Pinagkunan

Leave a Reply