Araw-araw nating naririnig ang salitang “lipunan”. Para sa iba, ito ay biyaya ng Diyos na dapat nating pangalagaan sapagkat tayo ang mismong bumubuo nito. Kaugnay nito, masasabi rin na nabubuo ang lipunan dahil likas na sa ating mga tao ang pakikipag-kapwa sa iba. Ngunit ano nga ba ang kahulugan ng lipunan? At bakit nasabing tayo ay nabibilang dito? Sino o ano ang bumubuo dito? Mahalaga nga ba ito para sa ating mga tao? Halina at ating tuklasin kung ano ang lipunan!
Ano ang lipunan?
Ang lipunan ay pangkat o grupo ng mga indibiduwal na may magkakatulad na katangian at interes. Sa lipunan, ang mga tao ay sama-samang naninirahan sa isang kumunidad kung saan mayroong iisang batas, tradisyon at pinaniniwalaan. Dagdag pa, ito ay binubuo ng dalawa o higit pang grupo ng mga tao na may interaksyon sa isa’t-isa at nagpapalitan ng mga ediya.
Ayon kay Emile Durkheim, isa sa mga kilalang sosyolohista, ito ay isang buhay na organismo kung saan nagaganap ang mga pangyayari at gawain. Ang lipunan din ay patuloy na kumikilos at nagbabago.
Sa mas malawak na kahulugan, ang lipunan ay tumutukoy sa lipon ng mga tao na nagtutulungan at nagkakaisa upang maisakatuparan ang kanilang mga layunin. Ang magandang halimbawa nito ay isang komunidad na kung saan may mga taong nagtutulungan upang maiaangat ang kanilang ekonomiya.
Dagdag pa, ang ito ay nailalarawan bilang isang modelo ng ugnayan ng mga indibiduwal na nagbabahagi ng magkatulad na paniniwala o kultura. Inilalarawan din ito bilang tawag sa kabuuan ng koneksyon ng mga indibiduwal. Binubuo ito ng mga tao na may magkagayang pananaw tungkol sa ekonomiya, industriya, relihiyon, politika at iba pa.
Ang isang lipunan ay mayroong mga nakaugalian (social norms) kung saan sinusunod ito ng karamihan ng mga taong nabibilang doon. Ito ay isang lugar kung saan natututong makibagay at sumunod sa mga patakaran at mga alituntunin ang isang indibidwal.
Kahalagahan ng Lipunan
Mahalaga ang lipunan para sa ating mga tao. Ang isa sa kahalagahan ng lipunan ay nagsisilbi itong tirahan para sa atin. Bilang isang indibidwal, nagsisilbi itong tirahan sapagkat tayo ay natututong makihalubilo sa iba pang mga miyembro nito. Sa pamamagitan ng pakikihalubilo sa iba, nahuhubog at napapaunlad nito ang ating pagkatao.
“Walang sinuman ang nabubuhay para sa kanyang sarili lamang”
Sa kasabihang ito, nabibigyang diin din ang kahalagahan ng lipunan. Likas na sa atin ang pakikipag-kapwa tao simula pa man noong tayo ay nilikha. Sa pamamagitan ng pakikipag-kapwa at pakikipagtulungan sa iba, mas madami tayong natatapos na gawain. Mahalaga para sa ating mga tao na tumulong sa ating lipunan dahil tayo ay kabilang dito. Sa lipunan nagkakaroon ng pagkakaisa ang bawat indibidwal sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba. Isa pa, natututo din tayong tumanggap ng ating pagkakamali dahil sa gabay ng iba pang tao dito sa ating lipunan. Bunga nito, napalalago at mas nakikilala pa natin ang ating sarili bilang isang miyembro ng ating lipunang ginagalawan.
Also read: Ano ang Heograpiya